Saturday, December 29, 2012

Malabong usapan


Dear Yes Love Talk,


Isang magandang gabi ang bati ko sa inyong lahat. Minabuti kong isulat ang problema ko dahil naguguluhan na ako sa sitwasyon ko ngayon at kailangan ko ng tulong.

Matagal-tagal na rin akong nakikinig ng YES Love Talk at iba’t-ibang kwento ng buhay na rin ang narinig ko. Kaya gusto ko ring subukan na marinig ang payo n’yo at ng mga nakikinig sa inyo.

Itago n’yo na lang ako sa pangalang “ANDREA”, 22 years old, at apat na taon nang nagtatrabaho dito sa Boracay.

Hindi naging maganda ang hiwalayan namin ng ex-boyfriend ko. Dito na din kami nagkakilala sa isla. Tumagal ng tatlong taon ang relasyon namin. Inakala kong siya na talaga ang makakasama ko sa buhay. Sa loob ng tatlong taong iyon, ilang beses niya rin akong niloko at ilang beses ko rin siyang pinatawad. Pero sa bandang huli, wala pa ring nangyaring maganda sa relasyon namin. Tatlong buwan pa lang ang nakakalipas nang maghiwalay kami.

Dahil sa lungkot, pinilit ko ang sarili ko na maghanap ng mga bagay na p’wede kong mapag-libangan. Sinubukan kong makipag-kilala sa ibang tao. Last month, nakilala ko si “JEFFREY”. 27 years old na siya, limang taon na ding nagtatrabaho dito sa isla.

Nagsimula sa barkada-barkada, kasama sa gimikan, ka-lokohan, pero hindi ko inakalang sa kanya pa ako mahuhulog. At hindi ko rin naman sana gustong sa kanya mahulog ang loob ko.

Sa mga kwento niya at ng mga kaibigan niya, matagal na daw siyang walang girlfriend. Pero may girl siyang hinihintay. Sabi ng mga kaibigan niya, ilang taon na daw niyang hinihintay ang ex-girlfriend niya na umuwi ng Cebu para makapag-aral. Nawalan na din daw sila ng communication pero naghihintay pa rin daw si Jeffrey sa kanya. Dahil do’n kaya hindi din ako umaasa na mapansin niya ako ng higit pa sa isang kaibigan lang.

Pero hindi ko din talaga napigilan na tumibok ang puso ko para sa kanya. Hindi ko maiwasang maipakita sa kanya ang pag-aalala, ang pagiging concerned at ang pagki-care sa kanya.

Hindi ko na din namalayan na iba na rin ang ikinikilos niya ‘pag magkasama kami. Palagi niya akong tinatanong kung anong mga gusto at ayaw ko, inaayang lumabas na kami lang dalawa ang magkasama, palaging nag-aaya ng dinner o lunch na kami lang dalawa. Hindi ko tuloy maiwasang mapatanong sa sarili ko: may ibig sabihin ba ang mga ikinikilos niya?

Hindi ko na nga rin maiwasang lalong mahulog sa kanya. Wala kaming pormal na relasyon, pero sa mga kilos namin, masasabi ng lahat na parang kami na.

2 weeks ago, sinabi niya sa akin na tinawagan daw siya ng ex niya at dito daw sa Boracay magnu-New Year. Gusto daw ng girl na sana magkasma sila. Tinanong ko siya kung anong desisyon niya. Sabi niya, hindi niya daw alam.

Hindi ko maiwasang malungkot nang malaman ko ito. Kapag magkasama kami, parang gusto kong sabihin sa kanya na “P’wede, ‘wag mo na lang siyang i-meet? ‘Andito naman ako.” Pero hindi ko magawa. Hindi naman “kami”. Ni hindi nga siya nanligaw ng pormal sa akin.

Love Talk, akala ko hindi mangyayari sa’kin ‘to, pero nangyayari na nga. Naguguluhan ako. Ayokong maging “assuming”, pero parang ganu’n ang nangyayari dahil sa mga ipinapakita niya sa akin. Ina-assume ko na may gusto din siya sa akin dahil palagi niyang ipinapakitang nagki-care siya sa akin. Palagi din siyang sweet sa akin. Ayoko na ding masaktan, lalo na at hindi maganda ang past relationship na pinanggalingan ko. At alam ko rin namang matagal niya na ding hinihintay ang pagbabalik ng ex niya.

Love Talk, bakit ba kasi gano’n siya sa akin? Bakit very caring siya sa akin? Talagang nahulog na ako sa kanya. At anong dapat kong gawin? Iiwas na lang ba ako sa kanya, o dapat ko bang ipaglaban ang nararamdaman ko? Ayoko na talagang masaktan pa.

Maraming salamat sa pag-basa ng sulat ko. Sana ay mapayuhan ninyo ako sa problema ko.

Paki-play na rin ng song na “Kung Ako Na Lang Sana” ni Bituin Escalante. Maraming salamat at Happy New Year po sa lahat.


Lubos na umaasa,

ANDREA

Saturday, December 22, 2012

Ang nagmamahal, o ang minamahal?


Dear YES Love Talk,

Good evening sa inyong lahat, at sa mga taong nakikinig ngayon ng Yes Love Talk. Gusto ko lang sanang magbahagi ng aking problema at humingi ng advice sa inyo.

Tawagin n’yo na lang akong si “Tricia”, 24 years old at kasalukuyang naninirahan dito sa Boracay ng limang taon. Lagi akong nakikinig ng Yes Love Talk at naisipan ko pong humingi sa inyo ng advice sa aking problema.

May boyfriend ako na tawagin na lang nating si “Raymond”. Kasalukuyan siyang nagtatrabho dito sa isang resort sa Boracay. Nakaroon kami ng relasyon ng tatlong taon. Naging masaya ang relasyon naming dalawa. Naipakilala niya na ako sa mga parents niya, at wala akong naging problema dito dahil sobrang mababait ang mga mgulang niya, at dahil dito ay nag-sama kaming dalawa.

Naging masaya ang pagsasama namin, at dahil tapat kami sa isa't isa ay walang naging problema. Dumating ‘yung time na nagkaroon kami ng trabaho. Napagkasunduan naming na huwag munang magsama sahil mag-iipon muna kami. Tumira ako sa uncle at auntie ko at humiwalay din siya ng tirahan sa akin. Nagkikita rin naman kami minsan pero saglit lang, minsan nga ako pa pumupunta sa kanya para magkita lng kami. Hanggang sa nawalan na siya ng time sa akin dahil ibinuhos niya lahat ng oras niya sa trabaho. Kahit nga text, hindi na siya nakikipag-communicate sa akin.

Hindi naging madali para sa akin ‘yun. Noong una, OK lang, pero nu’ng tumagal, nasasaktan na ako. Kinausap ko siya, sinabi ko sa kanya na nawawalan na kami ng time sa isa't-isa. Sinabi niya sa akin para naman daw sa amin nang ginagawa niya. Inintindi ko na lang siya. Wala naman akong nababalitan na may ibang babae siya.

Noong tumatagal, nakipag-break din ako sa kanya dahil wala na nga kaming panahon para sa isa’t-isa. Sinabi ko sa kanya na bigyan namin ng space ang isa't-isa kasi pati pagtatrabho ko na aapektuhan na sa kakaisip sa kanya. Pero wala naman kaming personal break up, sa cellphone lang ako nakipag-hiwalay sa kanya. Simula noon, hindi na ako nakipag-communicate sa kanya. Nagpalit ako ng cellphone number kahit nahihirapan ako ay tiniis ko ‘yon.

Dumating po ‘yung time na binaling ko ang isip ko sa ibang tao. May nanligaw sa aking isang foreigner na tawagin na lang natin sa pangalang “Scott”. Isa siyang missionary dito sa Boracay. Mabait siya, matulungin at my takot sa Diyos. Parang nahulog ang loob ko sa kanya kahit na 14 years ang gap ng edad namin. Hindi nagtagal ay sinagot ko siya, at naging masaya kami. Walang araw na hindi kami magkasama. Pinatigil niya ako sa trabaho at kumuha siya ng isang apartment. Lahat ng panganagilangan ko ay ibinibgay niya sa akin. Minsan, nagi-guilty ako kasi alam kong mahal ko pa rin si Raymund , pero pinipilit kong kalimutan siya.

Dumating ang panahon na nagkita kami nang hindi sinasadya. Nag-usap kami, at sabi niya akin matagal niya na daw akong hinahanap. Wala daw may nakapagsabi sa kanya kung nasaan ako. Umiiyak siyang nagmakaawa siya sa akin, gusto niyang makipag-balikan sa akin. Napa-iyak din ako kasi alam ko na mahal ko din siya pero pinigilan ko pa rin ang sarili ko. Sinabi ko sa kanya lahat: na my boyfriend na ako, at magpapakasal na kami. Sabi niya sa akin gagawa daw siya ng paraan para mabawi ako at magsusumikap daw siya dahil alam niya daw na mahal ko pa din siya at my tiwala pa rin siya sa akin.

Simula noon, hindi na po ako nakakatulog. Lagi ko siya iniisip. Hindi ko alam ang gagawin ko ngayon. Mahal ko pa rin si Raymund. Love Talk, anong gagawin ko? Pipiliin ko ba ‘yung mahal ko o pipiliin ko ‘yung taong minamahal ako, na alam kong masasaktan ko siya kasi alam kong mahal na mahal niya din ako. Sana matulungan niyo ako. Maraming salamat.


Nagmamahal,

TRICIA

Saturday, December 15, 2012

Isang komplikadong sitwasyon


Dear Love Talk,

Una po sa lahat magandang gabi po sa lahat at salamat sa pagbasa ng sulat ko. Itago nyo na lang ako sa pangalang "CEL". Taga-Antique ako, 20 years old at kasalukuyang nagtatrabaho bilang isang taga-luto sa isang Korean resto dito sa Boracay.

Naglakas loob po akong sumulat sa inyo upang mabigyan po sana kahit papaano ng solusyon ang aking nagawang kasalanan na hanggang ngayon ay hindi ko maitama.

Love Talk, 16 years old pa lang po ako ng sinubok na ako ng napakahirap na pagsubok. Sa edad ko pong 16 ay nagka-nobyo ako at itago nalang po natin sa pangalang "NALD", 22 yrs old, tubong Ibajay, at isang trabahador sa isang pamilihan dito sa Boracay.

Kahit hindi ko siya gaanong kilala ay minahal ko siya ng sobra at ramdam ko din na minahal niya ako. Naging masaya kami sa aming relasyon na tumagal ng dalawang taon, at ni minsan ay hindi kami nag-away sa mga panahong iyon. Alam ko na napakabata ko pa pero para sa amin ay perfect na ang lahat ‘pag magkasama kami, at pinangarap ko na at ipinagdasal na sana ay sya na nga ang mapapangasawa ko. Pero hindi pala, nagsisimula pa lang pala ang matinding pagsubok sa buhay ko.

Isang araw ay nag-usap kami. May importanteng surpresa sana ako sa kanya.l Ang sabi niya, may mas importante daw siyang sasabihin sa akin. Kita ko sa mga mata niya ang lungkot, kaya pina-una ko si9ya sa sasabihin niya.

Love Talk, inamin niya sa akin na may asawa siya at dalawang anak, at kasal na sila ng asawa niya na nasa abroad ng mga panahon na iyon.

Hindi ko masabi kung gaano kasakit ang nadama ko sa mga oras na iyon. Hindi ko namalayan na nakatulala na pala ako at tumutulo ang luha. Wala po akong masabi kundi tanungin siya kung anong plano niya. Ang sabi niya ay mahal din po niya ako pero mas matimbang ang pamilya niya.

Love Talk, hindi ako nakatulog ng gabing iyon, hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko: magkahalong galit, sakit, at konsensya. Hindi ko pinangarap na maging kabit pero nangyari sa’kin ito. Hindi ko na din nagawang sabihin sa kanya ang surprise ko sa kanya. Hindi ko nasabi sa kanya na buntis ako.

Kinabukasan ay agad akong umuwi sa Antique upang umiwas na lang dahil alam ko na mali po ang nagawa namin. Pagdating ko sa amin ay niyaya ko ang kababata ko na  lalaki na itago na lang natin sa pangalang "CHAM". Nagkayayaan kaming mag-inuman dahil gusto kong makalimot.

Love Talk, sa pangalawang pagkakataon ay nakagawa ako ng pagkakamali noong gabing iyon. May nangyari sa amin ni Cham at naulit pa ito ng ilang beses. HIndi ko alam ang gagawin ko dahil ako ang panganay sa aming magkakapatid at ako ang inaasahan ng pamilya.

Nang mag-isang buwan na ang ipinagbubuntis ko ay sinabi ko sa nanay ko na buntis ako at si Cham ang tinuro kong ama ng dinadala ko. Hindi ko din maintindihan kung bakit ko nagawa iyon. Ang masama pa ay hindi ako pinanagutan ni Cham dahil ikakasal na rin siya sa nobya niya. Ang sabi niya ay susuportahan na lang daw niya ang bata, at hindi ko ito tinanggap. Nagkagulo ang pamilya namin at muntik ng umabot sa demandahan.

Si Nald naman ay walang kaalam-alam sa nagawa ko. Isang araw may nakapagsabi kay Nald na buntis ako. Tinawagan niya ako. Sinabi niya na alam daw niya na siya ang ama ng dinadala ko. Inamin ko din naman sa kanya na siya nga ang ama ng ipinagbubuntis ko. Susuportahan daw niya ang dinadala ko. Tinanggihan ko rin siya. Hindi niya pa rin alam na pinaako ko ito sa iba.

Love Talk, one year old na ang baby girl ko at hanggang ngayon ay hindi ko maayos ang pagkakamaling nagawa ko. Ako lang ang nakakaalam nito at di rin alam ng pamilya ko. Hanggang ngayon ay nagkakagulo pa rin ang pamilya ko at pamilya ni Cham dahil tinanggap na ng mga magulang ni Cham at ang akala nila ay apo nga nila ang anak ko.

Love Talk hindi ko alam kung paano at saan ako magsisimula upang maayos ko ang maling nagawa ko. Maayos na sana ang lovelife ko ngayon at ikakasal na din ako. Ano po ang gagawin ko, itatago ko na lang ba ito habang buhay? Naguguluhan ako at pinagsisihan ko ang nagawa ko. Sana ay mabigyan n’yo ako ng payo. Maraming salamat po.


Lubos na gumagalang,

"CEL"

Saturday, December 8, 2012

"Torn between two lovers"


Dear Love Talk,

Isang magandang gabi sa lahat, sa lahat ng taga pakinig ng programang ito at sa inyong bumabasa sa sulat ko.

Ako ay may problema sa puso Love Talk, pero parang mas higit na problema ko ngayon ang aking buhay na di ko alam kong saan ang dereksiyon.

Tawagin na lamang ninyo ako sa palayaw kong, “Rina “, 19 years palang po ako, naririto sa Boracay at naguguluan.

Tumakas kasi ako sa amin dahil sa hindi naging magandang karanasan sa probinsiyang pinagmulan ko.
Sumama ako sa pinsan ng best friend ko dito sa Boracay para magtago at kilalanin ang aking sarili.

Love Talk, 4 months na akong buntis ngayon, kaya naguguluhan ako kung ano ang pwede kong gawin.

Kinakasama ko ngayon si Erwin, ang pinsan ng best friend na dito na nagtatrabaho.

Noon paman ay kakilala ko na siya at matagal na siyang nanliligaw sa akin simula noong high school pa.
Naging masugid ko siyang textmate at naging mabait naman siya sa akin, kababayan ko po siya.

September, ng tumigil ako sa akin pag-aaral sa college para sumama dito.

Nabuntis kasi ako ng taong mahal ko na hanggang sa ngayon ay hindi pa alam ng mga magulang ko.

Si Jay ang ama ang dinadala ko love talk, at nang malaman ko na buntis ako, hindi ko na hinintay pa na malaman ng mga kamag-anak ko ang aking sitwasyon.

Hindi ko rin gustong makita nila na lumaki ang tiyan ko, lalo pa at tinatago ko ang kalagayan ko kay Jay, sa ama ng anak ko.

Hindi kasi alam ng mga magulang ko ang relasyon namin ni Jay, si Jay ay may asawa at anak na po. Nagkilala kami sa School na siyang pinapasukan ko bilang Working Student at faculty din siya doon, 35 years old na  siya ngayon.

Hindi ako na hirapan na mahalin siya kasi kung pumorma siya ay nasa late 20’s lang po at mabait siya.

Kaya iyon din ang rason kung bakit ko hiniwalayan ang dati kong boyfriend na ka-edad ko rin, kasi nakita ko lahat ng kataingaang hinahanap ko sa isang lalaki kay Jay.

Matured na siyang magisip, responsible, pero sa panliligaw ay daig niya pa ang teenager.  

Masakit at nakakahiya mang, pero naging mistress niya ako at mahigit 1 year na rin ang relasyon namin.
Nang-umalis ako sa amin, sinabi ko naman po sa pamilya ko na dito ako pupunta at maghahanap ng trabaho, dahil nahihirapan na akong pagsabayin ang trabaho doon at pag-aaral.

Aside doon, wala na silang ibang alam sa sitwasyon ko dito.

Si Erwin at ako ay hindi na walan ng komunikasyon kaya ng nalaman kong na buntis ako siya at ang best friend ko lang ang pinagsabihan ko.

Kaya alam nila lahat ng pinagdadaanan ko sa buhay.

Nagulat din ako at hindi ko akalain na sa kabila ng sitwasyon kung ito, may lalaking nakakaintindi at handang dumamay sa akin Love Talk.

Akala ko kasi noong una binibiro niya lang ako ng sabihin niyang handa siyang panagutan ako kahit hindi siya ang nakabuntis sa akin.

Nakita ko naman ang sakripisyo ni Erwin sa akin kahit mahigit 2 months palang ako dito sa kaniya,”sino ba naman kasing lalaki ang tatanggap ng bata na hindi sa kaniya”.

Siya na ang nagbibigay ng mga panga-ngailangan ko ngayon, siya na rin ang nagpapakain sa akin at saka nalang daw ako magtrabaho kung makapanganak na.

Si Erwin po ay 32 years old na ngayon love talk, mayroon po siyang kinakasama doon sa amin probinsiya at hindi sila kasal, pero may isang anak.

Inuwian daw kasi siya ng babae na hindi niya naman mahal,  pero inaamin niya namang siya talaga ang ama ng bata.

Hindi niya sinama ang babae at anak nila dito sa Boracay kasi hindi niya naman daw makakasundo at ayaw niyang makasama ito.

Nangako po siya lovetalk na kapag naayos na niya ang lahat at mapa-unawa sa kaniya magulang at ina ng kaniyang anak ang lahat, lalo na ang kawalan niya ng plano na pakasalan ito, dahil ako daw ang pakakasalan niya.

Natuwa naman ako sa mga plano niya para sa amin, pero hindi ko kasi hawak ang oras at pagkakataon Love Talk.

Kaya may mga oras na natatakot ako, lalo na kung dumating ang panahaon na magbago ang isip niya at magising siya sa katotohanan.

Kahit ganito kasalimuot ang napasok kong sitwasyon nakokonsensiya naman po ako.

Alam din kasi ni Erwin kung gaano ko kamahal talaga si Jay, kaya naiisip ko rin minsan na baka isumbat niya sa akin na sumalo lang siya, at hindi ko naman talaga siya minahal.

Bago po ako nabuntis ni Jay, ay nakapag-file na rin ang annulment sa asawa niya.

Gusto na raw niya kasing hiwalayan ito para magsama na kami, dahil noon paman ay hindi nito mahal ang kaniya asawa at ang nangyari ay pinilit lamang sila ng kapwa magulang nila.

Pero hindi ako naniniwala na iyon lang ang rason niya Love talk, alam ko na dumaranas sila ng problemang mag-asawa kahit hindi paman kami. 

Hindi po ganon kadali ang pinagdaanan naming hirap para itago ang bawal naming pag-ibig, pero tiniis namin ang lahat hanggang sa nabuntis ako.

Pero nakikita ko kasing wala pa akong assurance at malabo pa ang lahat sa amin, di ko rin kasi alam kung mananalo siya sa annulment nila.

Kaya lumayo nalang muna ako sapagkat  ayaw kong madamay ang bata sa gulo na gawa namin.
Kaya ngayong naguguluhan po ako kung ano ang dapat kung gawin.

Ang totoo mahal ko po talaga si Jay, pero parang unti-unti na ring nahuhulog ang loob ko ngayon kay Erwin na siya bumubuhay sa akin ngayon.

Naguguluhan na rin po ang damdamin ko ngayon kung sino na sa kanilang dalawa.

Si Jay na naghahanap ng paraan para maging maayos ang pagsasama namin na isinakripisyo ang sariling pamilya para sa akin, o si Erwin na tumatayong sandalan ko ngayon na handang panagutan ko.

Hanggang sa ngayon ay hindi pa ako nagpaparamdam kay Jay dahil nagpalit na rin ako ng number love talk.
Infairness naman kay Jay, wala siyang alam sa sitwasyon ko ngayon, lahat din ng kumunikasyon na pwedeng mag-connect sa amin ay pinutol ko na.

Minsan daw nagtanong siya sa Best Friend ko, pero, sinabihan ko agad na wag ipa-alam kong saan ako, basta sabihing hindi niya alam at wala nang balita at bigla lang akong nawala.

Love talk, ngayong nakakita na po ang ng sandalan at handang panagutan ako, dapat ko pa bang ipa-alam pa ang kalagayan ko kay Jay?

Papano ko kaya ito sasabihin sa mga magulang ko?

Sa ngayon po kasi, ayaw ko pa sanang pa-asahin si Erwin, kasi mas matimbang pa rin si Jay.

Pero hindi pa rin ako handa na harapin ang asawa niya ngayon kasi habang tumatagal ay lumiliit na ang mundo sa amin.

Ginawa ko rin ito, para mabigyan ng pagkakataong mag-isip si Jay, Love Talk.

Pero ang hindi ko inaasahan may lalaking magmamahal pa pala sa akin sa kabila ng kalagayan ko.

Ano po ang gagawin ko?

Sana ay matulungan din ninyo ang problemadong puso at isip ko, sa paraan ng inyong mga payo.

Paki play naman po ang kantang, “Bukas nalang kita Mamahalin”


Umaasa,

Rina

Saturday, December 1, 2012

Hindi ko hinangad maging 3rd party


Dear Love talk,

Good day! Itago nyo nalang po ako sa pangalang “BRIANNA”, 27 years old. Isa po akong OFW dito sa Hong Kong.

 Lakas loob po akong sumulat sa inyo para maibahagi ang aking kwentong pag-ibig.

High school lang po ang natapos ko dahil sa hirap ng buhay hindi ko na naipagpatuloy ang aking pag aaral. Umalis po ako sa edad na 21 na tanging baon ay kunting lakas ng loob.

Tiniis ko lahat ng pagod, hirap,at homesick para sa mga pangarap ko at maiahon sa hirap ang pamilya ko. Sa awa ng Diyos okay naman po kahit paano nakatagal ako sa iisang amo sa loob ng anim na taon. Akala ko po ayos na ang lahat kuntento na ako sa buhay ko,pero hindi ko akalain na guguho ang mundo ko.

Taong 2011 Oct last year umuwi po ako para mag bakasyon, nag kita po kami ng kaibigan ko na malayo ko na rin pong kamag anak.(2nd cousin po ang lolo namin). Nag stay po ako diyan sa Boracay ng mga ilang araw kasama ko po siya kasi diyan siya nagtatrabaho dati.

Sa maikling panahon ng pagkakaibigan namin komportable na kami sa isat-isa na parang matagal nang magkakilala.

Unang gabe ko na kasama ko siya diyan sa Boracay nag open siya sakin tungkol sa nakaraan nya. Single dad siya at may dalawang anak,pero nong time na yon may girl friend siya pero nag kakalabuan daw sila etc. Pero sa hindi maipaliwanag na sitwasyon may namagitan po samin.
Hindi po ako nag demand ng kahit na ano kahit tinanong niya ako kasi alam ko kasalanan ko kung bakit ako bumigay. Nangako po siya na aayusin. Deep inside po umasa ako kahit hindi ako umiimik. Nasundan po ulit ang pag kikita namin at naging kami bago ako bumalik ng Hong Kong. Text, tawag at chat ang tanging kumonikasyon.
Siguro napag isip-isip niya na malaking kamalian and relasyon namin kaya nakipaghiwalay siya sakin kasi hindi niya nagawang makipaghiwalay sa girl friend niya. Masakit man, tinanggap ko pa rin.

Nawalan na kami ng contact simula noon pero after siguro ng mga ilang buwan nakipag communicate siya ulit sakin. Nag resign siya sa trabaho at lumuwas ng Manila kasi gusto niya rin mangibang bansa.

Nakipagbalikan siya sakin kasi iba daw akong magmahal. Kahit malayo ramdam niya kung paano ko siya minahal, pinahalagahan,at hindi hinusgahan.

Tinaggap ko ulit siya. Sa mga araw na lumipas lalo siyang napamahal sakin. Ako kasi yung taong hindi tumitingin sa nakaraan na. Ang mahalaga ang ngayon at mga susunod pa.

Okay na lahat, masaya kami, umaasa ako na magkakasama kaming muli. Suportado ko siya sa mga desisyon niya at laging nasa likod pag kailangan niya; karamay sa mga problema at pag subok.

Pero nag tataka ako bakit patago ang relasyon namin. Madalas sa minsan inuungkat ko, ayaw ko man isipin pero nag dududa ako na may hindi ako alam at may itinatago siya.

Nagkaroon siya ng malaking problema sa papers niya kaya isinantabi ko muna ang pagdududa at hindi na ako nakisabay pa sa mga problema niya. Huli ko nang nalaman na nabuntis niya pala ang girlfriend niya at hindi naman sila naghiwalay.

Mula noon ay lagi na kaming away-bati at hinahamon ko siya nang hiwalayan pero di niya pinapatulan. Hanggang sa malapit na siyang umalis papunta sa ibang bansa nagdesisyon ako na papuntahin siya dito para makapag usap kami ng harapan at magkalinawan.

Nag-ipon ako ng lakas ng loob at sinubukan kong kausapin siya pero walang nangyari tahimik lang siya at nakikita ko ang lungkot sa kanyang mga mata na pilit niyang tinatago.

Ang plano ko ay makipagkalas na ako sa kanya pero hindi ko nagawa. Hindi ko kaya kasi mahal na mahal ko siya. Ganun pala yon, ang pakiramdam na pag kasama mo ang taong mahal mo parang wala nang bukas. Wala na kayong paki alam sa nangyayari sa paligid ninyo.

Umuwe siya ng Pilipinas na parang panaginip lang lahat, kahit ako di ko rin mapaniwalaang nagkasama ulit kami kahit sa maikli lang na panahon.

One month na rin siyang nakaalis ngayon at isa pang nakakayanig na kumpirmasyon ang natanggap ko ay nagpakasal na pala sila sa huwes nong time na nabuntis niya ang girl friend niya.

Tanging sorry lang ang nagawa at nasabi niya...sobrang sakit....wala akong magawa kasi legal na silang mag asawa. Ang hindi ko po maintindihan kung bakit pa siya nakipag balikan at bakit kailangan niya pa akong gamitin at paniwalain. Lahat pala yun ay puro kabaliktaran lang.

Minahal ko siya higit pa sa sarili ko. Giinawa ko lahat para maging mabuting girlfriend din ako sa kanya. Pero sakit lang lahat ang naging kapalit.

Ayaw ko pong pagsisihan lahat ng mga nangyari samin kasi ginusto ko lahat yon. Yun lang ang tanging natira sa akin "mga alaala ng mga masasayang sandali na kasama ko siya".

Nakukonsensya po ako sa mga maling nagawa at desisyon ko. Ni minsan po, hindi ko pinangarap na maging pangalawa, at wala akong intensyong manira ng pamilya. Hindi po mawala sa isip ko na masamang babae ako.

Sa kabila po ng lahat ng mga ginawa niya hindi ko magawang magalit ng lubos sa kanya. Aminin ko man sa hindi naramdaman ko rin na minahal niya ako.

Sana kung saan man siya ngayon magiging masaya na siya dahil alam ko sa puso ko na mabuting tao siya.
Maraming salamat po sa pagkakataong ito. More powers and God bless!

Lubos na gumagalang,

BRIANNA

Saturday, November 24, 2012

Mahal ko ang pinsan ko


November 24, 2012

Dear Love Talk,

Magandang gabi po sa inyo. Tawagin niyo na lang po akong “KAREN.” May asawa na ako at may tatlong anak. Ang asawa ko ay 3 years nang nagtatrabaho sa ibang bansa.

Nitong huli, parang bula na lang siyang naglaho –di na siya tumatawag at di na rin nagpapadala sa amin. Isang taon na niya kaming pinabayaan ng mga anak ko.

Sa hirap ng buhay namin ay pumunta ako rito sa Boracay para magtrabaho. Ginagawa ko ito habang nag-aaral pa ang mga anak ko.

Tatlong buwan na akong nagtatrabaho rito sa Boracay nang tawagan ako ng pinsan ko upang humingi ng tulong. Itago na lang natin siya sa pangngalang “KARLO.”

Tumawag sa akin si KARLO dahil gusto niyang makapagtrabaho rito sa Boracay. Pumunta siya rito sa Boracay at dahil wala naman siyang mapuntahang iba ay, sa bahay ko na muna siya nakitira.

Lagi kami magkasama ni KARLO at habang tumatagal ay di namin akalain na nahulog na ang loob namin sa isa’t-isa.

Nagsama na kami bilang mag-asawa dahil nga sa napamahal na kami sa isa’t-isa. Limang buwan na kaming nagli-live in at sa panahong iyon ay may nangyayari rin sa amin.

Love Talk, sana po matutulungan nyo po ako sa problema ko dahil di ko na kaya. Alam kong mali ang ginagawa namin at hindi kami puwedeng magsama habangbuhay dahil magpinsan kami ni KARLO.

Pero nangingibabaw pa rin ang pagmamahalan naming dalawa. Sinubukan naming na lumayo pareho sa isa’t-isa. Umuwi ako sa amin ng 15 days at siya naman ay umalis din sa bahay na inuupahan namin. Nakituloy siya sa kaibigan niya na kasama niya sa work. Pareho kaing walang contact sa isa’t-isa. Ino-OFF ko yung cellphone ko at ganoon din siya.

Nakalipas ang 15 days, bumalik ako sa Boracay dahil akala ko tapos na ang lahat sa amin. Nalaman ito ni KARLO at agad siyang pumunta sa bahay para sabihin na mag-usap kami.
Pumayag naman akong makipag-usap dahil mahal ko pa rin naman siya at inaakala kong sa pag-uusap namin ay matatapos na ang lahat.

Subalit mali pala ako. Sinabi ni KARLO sa akin na hindi raw niya kayang magkahiwalay kami at mahal na mahal niya raw ako. Pareho rin ang nararamdaman ko sa kanya. Sa madaling salita, nagkabalikan kami at nangako na magsasama ulit.

Natatakot po ako kung ano po ang mangyayari sa amin kapag nalaman ng mga magulang namin ang relasyon naming. Itinatago namin ito sa kanila.

Ang nanay ni KARLO ay kapatid ng tatay ko. Gulong-gulo na po ako kung ano po ang gagawin naming –kung ipagpapatuloy pa ba namin itong relasyon namin o itigil na.
Sana po matulungan ninyo po ako.

Nagmamahal,

KAREN

Saturday, November 17, 2012

Pakikipag-kaibigan, o pakikipagka-ibigan?


November 17, 2012



Dear YES Love Talk,


Magandang gabi sa inyo at sa inyong mga kanikinig sa programang ito.

Itago nyo na lamang po ako sa pangalang “SAMMY”, 28 years old at nagtatrabaho bilang isang electrician sa hotel dito sa Boracay.

Wala akong girlfriend sa ngayon pero may dalawang best friend po.

Silang dalawa ay ka-edaran ko, pero naging malapit ako sa kanilang noong nag-aaral pa kami.

Si “SHIELA” ay best friend ko na noong kabataan pa namin, iisang barangay lang kami at classmate ko siya noong nasa elementary grades at high school ako.

Noon pa man ay madalas na kaming nagsasama kahit saan kami magpunta, dahil kapag kasama ko siya kamapante naman ang kapawa magulang namin.

Sa umpisa pa lang ay ganito na talaga si Shiela, malabing siya, maalalahanin, masiyahin din at higit sa lahat  open siya sa akin sa mga bagay-bagay na nangyayari sa kaniya, na kahit personal niyang activity sa buhay ay ibinabahagi niya sa akin.

High school kami at nagka boy friend siya, minsan pinagsiselosan ako, dahil nakikita niyang madalas kaming nagsasama pati hanggang sa pag-uwi at pagpasok ng school, na parang  ay magkapatid lang talaga kami.

Subalit noong nag-college na kami, magkaiba ng  eskwelahan pinasukan namin, nasa private siya at ako sa public ako.

Simula noong minsan na lang kami magkita.

Pero nakilala ko si “JAMES”, kaklase ko siya at naging best friend ko rin.

Si James ang taga-gawa ko dati ng love letter kapag may babae akong nagugustuhan.

Siya din ang rason kung bakit ako naging malapit sa kapatid niya na naging girl friend ko rin, pero sa nauwi lang kami sa hiwalayan at nauna na itong mag-asawa.

Limang taon na din ako dito sa Boracay, pero wala pa sa isip ko ang pag-aasawa kaya nang magka girlfriend ako magdadalawang taon na kaming break, pinagpahinga ko na rin muna ang puso ko.

Si Shiela ay 3 years na rin dito sa Boracay na nagtatrabaho sa admin ng isang resort.

Iisang boarding house kami pero magkahiwalay ng room.  Ako din ang nagdala sa kaniya dito dahil nagpatulog sa akin ang kanyang nanay na makapagtrabaho dito, kaya naging close kami uli ng best friend ko.

Love Talk, lahat ng pangyayari sa buhay ko ay alam ni Shiela, pati ang pakikipag live in ko sa ex ko dito sa Boracay.

Siya ang naging sandalan ko kapag dumaranas kami ng problema ng dating girlfriend ko hanggang sa nagkahiwalay kami.

Lumipas ang panahon na normal naman ang lahat at nagtuturingan kami na parang magkapatid lang talaga Love Talk.

Halos sa pagkain sa dinner sabay kami at toka-toka sa pagluluto.

Masaya akong kasama siya at ganoon din si Shiela.

Pati sa pinupuntahan niyang gimik kasama niya ako, friends niya friends ko na rin at barkada ko, barkada na rin niya.

Pati ang mga manliligaw niya ay pinaglalaruan namin minsan lalo na kung ayaw niya sa taong iyon.

Pero ang masayang sitwasyon naming ito, Love Talk, ay napalitan na ngayon ng pagduda.

3 months ago kasi dumating ang isa kong best friend na si James, galing siya Maynila.

Pumunta siya dito para maghanap din ng trabaho at nakahanap naman agad.

Iisang room po kami ni James dahil noon pa man nang nasa college kami ay isang boarding house din kami.

In short, wala naman akong problema kay James at mabait naman siyang tao.

Ngunit sa pagdating ni James sa buhay naming, Love Talk, nagsimulang nang magkaroon ng pagdududa ang isipan ko.

Kaylan lang kasi ay inamin sa akin ni James na gusto niyang ligawan si Shiela.

Wala naman akong nakitang problema doon dahil pareho ko na rin silang kilala.

Pero ako ang may problema ngayon. Nagseselos na ako kahit nagkukuwento pa lang siya ng kaniya feelings sa best friend ko na itinututing ko na ring kapatid.

Mahirap na po siguro na mag-deny pa ako, pero pakiramdam ko sa sarili ko ay may kung anong galit na nabubuo sa dibdib ko kapag excited siyang nagkukwento sa akin tungkol sa kanila ni Shiela.

Minsan na rin po kasing nagpa-alam sa akin si James na i-set ko sila ng date, na pumayag naman ako.

Pero nakita ko sa mukha ni Shiela na ayaw niyang gawin sana iyon.

Pagkatapos noon ay kinausap ako ni Shiela na parang nagtatampo na sa akin.

Pero may sinabi siya sa akin bago lubusan niya akong hindi na kibuin.

Ang salitang iyon ay hanggang ngayon ay hindi ko pa nakakalimutan, nang sabihan niya akong “manhid ka”.

Ngunit parang hindi malinaw sa tingga ko iyon dahil paalis na siya ng sabihin niya.

3 weeks na kaming parang Alien ang bawat isa ngayon. Marami na rin akong na-realize nang hindi na kami nagpapansinan.

Kapag nakikita ko siyang malungkot, gusto ko siyang lapitan at kausapin sana, pero, nahihiya na rin ako, lalo na at nagsisimula nang manligaw si James sa kaniya.

Umiiwas na rin siya sa akin ngayon, bagay na parang hindi ko rin matanggap dahil hindi man lang kami nag-usap at hindi nagkalinawan pa.

Pero masakit talaga sa part ko na makita sila ni James na nag-uusap at nakikita ko siyang hindi masaya.

Walang duda na mahal ko na nga si Shiela, at nitong huli ko lang ito na pagtanto kung saan na galit na siya sa akin.

Siya na pala ang babaeng hinihintay ko pero ngayon ko lang ito naramdamdaman.

Bawat araw na lumipas na nakikita ko siya na iniiwasan ako, pakiramdam ko ang bigat-bigat ng loob ko.

Ano pa ba ang maaari kong gawin? Nakita ko kasing seryoso na rin si James sa panliligaw niya kay Shiela, ayaw ko naman na ito pa ang pagmulan ng away namin.

Dati ay may nanligaw sa kaniya at ginagawa pa naming katatawanan, pero bakit hindi ako noon nagseselos? Ngayon ko lang ito nadama ng umamin na sa akin si James.

Hindi ko rin gusto na masayang ang friendship namin ni Shiela ng ganito lang.

At ayaw ko na rin sanang pahirapan pa ang sarili ko sa ganitong sitwasyon.

Minsan naisip ko na ring magtapat sa kaniya pero, natatakot ako na baka pagtawanan o kaya ay mabasted niya.

Ngunit  mahal na mahal ko pala siya at parang hindi ko na palalampasin pa ang pagkakataong ito.

Ano ang gagawin ko Love Talk?

Salamat sa oras ng pagbasa ng sulat ko, nawa ay magabayan ninyo ako.


Umaasa,

“SAMMY”





Saturday, November 10, 2012

Nagsisisi sa maling desisyon

November 10, 2012


Dear YES Love Talk,


Magandang gabi inyong lahat ng nakikinig sa himpilang ito, at sa programang Love Talk.

Bago ko sana simulang ilatag ang problema ko sa buhay, humihingi muna ang ng pag-unawa sa lahat, sa sitwasyon ko ngayon.

Yes, maling desisyon po ang ginawa ko sa buhay at ang sarili ko rin ang sinisisi ko.

Tawagin na lamang ako sa pangalangang “SHEENA”, 29 years old, pero sa edad kong ito hindi pa rin kayang magdesisyon para sa sarili kong kaligayahan dahil marami ang isinasaalang-alang sa buhay.

May live in partner po ako Love Talk, 42 years old na siya ngayon at tawagin ko na lang siya sa plangalang “CHARLO”.

Nasa fourth year high school pa lang ako Love Talk ng maging kami na, at 17 pa lang ako noon.

Ang mga magulang ko ay walang permanenteng trabaho, ang nanay ko ay sa bahay lamang at nag-aasikaso sa aming apat na magkakapatid.

Ang tatay ko naman ay magsasaka lang at pa extra-extra bilang construction worker kaya hindi sapat ang income para pag-aralin kami lahat.

Sobrang hirap po ng buhay namin, lalo pa at nakatira kami sa malayong barangay dito sa Aklan, kaya parang pinagkaitan kami ng sapat na edukasyon, pangaral sa magulang, dagdagan pa na malayo kami sa bayan kaya hindi namin naranasan ang makisalamuha sa marami at iba’t-ibang tao.

Panganay ako sa aming magkakabatid, kaya ramdam ko ang pressure sa balikat ko na kailangan akong makapagtapos ng pag-aaral.

Timing naman dahil dumating sa buhay ko si Charlo, isang baranggay lang ang tinitirahan at katulad ng tatay ay magsasaka at sa konstraksiyon lang din siya nagtatrabaho.

Nanligaw naman po siya sa akin sa murang edad ko palang nang nasa high school pa ako.

Tinanggap ko siya kasi kahit hindi siya nakapagtapos nakita kong nagsusumikap siya at handa naman siyang panagutan ako kung sakali.

Ina-amin ko, attracted naman ako noon sa kaniya.

Pagka-graduate ko ng high school, hindi na ako pinag-aral ng nanay at tatay kaya maaga pa lang ay nakapag-asawa na ako.

Swerte ko naman, dahil si Charlo mismo ang nag-offer na pag-aralin ako sa isang private na paaralan at apat na taong kurso pa ang pinakuha sa akin.

Siya po lahat ang gumastos love talk, hindi muna ako pumayag na mabuntis para hindi rin ako mahirapan.

Pero nang nasa 2nd year college na ako, doon nagsimulang nagising ako sa katotoohanan, na ang mundo pala para sa akin at sa aming lahat ay nasisimula pa lang na lumapad.

Nalungkot ako Love Talk, nang ma-realize na marami pa pala akong maaabot kung hindi muna ako nag-asawa dahil marami naman pa lang paraan kapag magsikap lang ako.

Simula doon, inusig na rin po ako ng aking konsensiya, dahil hindi ko alam kong paaano ko masabi ang mga bagay na ito kay Charlo.

Naglakas loob ako na sabihin sa kaniya at nakipaghiwalay ako, habang may panahon pa.

Umalis ako sa bahay nila ay umuwi sa mga magulang ko.

After 5 days, pumunta si Charlo sa bahay, nagmaka-awa na balikan ko siya.

Sobrang awa ang nadama ko sa kaniya ng mga sandaling iyon.

In fairness naman kasi, wala siyang ginawang mali, naging responsible siyang asawa kahit hindi kami kasal, at ako lang talaga itong problema.

In short tinanggap ko ulit si Charlo sa paniniwala na baka maibabalik naman ang lahat pati ng feeling ko sa kaniya.

Habang dumadaan ang araw, naging maayos naman ang relasyon namin, pero lalo yata akong nalulugmok sa lugkot.

Tuwing kasama ko kasi ang mga kaklase at kaibigan ko sa school, parang naiinis ako sa sarili ko kasi hindi ako maka-relate sa kanila.

May mga bagay silang pinag-uusapan na hindi ko pa nararanasan sa buhay, dahil sa lumaki lang ako sa liblib na barangay.

Minsan sa mga gimik nila sinasama nila ako, kahit nililibre po nila lamang maaliw lang daw ako at kahit paano ay maranasan ko rin ang happiness sa buhay na hindi ko napagdaan.

Kaya ay pinag-papaalam nila kay Charlo, pinapayagan na ako.

Hindi naman sa ini-impluwensiyahan nila ako, ngunit nais lang daw nilang maging-“in” din ako paminsan-minsan.

Doon ko na rin nag-umpisa na mag self pity ako, dahil kahit papaano concern sila sa akin, ‘yon nga lang limited lang din ang magagawa nila  para sa akin dahil may-asawa na ako.

Kung may okasyon silang pinupuntahan, dinadala nila ako Love Talk, ako lang talaga ang umiiwas dahil pakiramdam ko ay hindi ako bagay sa pagtitipon na iyon.

Love Talk, huli na rin yata kasi ng makita ko na ang mundo pala ay isang malaking “battle ground” na dapat ay handa ka sa ano mang mangyayari, masaya, nakakapagod at dapat paghandaan, magulo pero kapag naroroon ka na dapat ay sumunod lang sa agos ng panahon para hindi ka rin kakalabanin ng pagkakataon.

Iba po naman kasi ang mundong kinagisnan ko sa mundo nila, ramdam ko na pilit nila akong iniintindi at maiingat din, pero hindi talaga pwede dahil ako na mismo ang umiiwas.

Nahihiya kasi ako Love Talk sa totoo lang.

Nang nagtapos kami ng college, pero kahit paano ay inaalala pa nila ako hanggang sa ngayon.

After college, nagtrabaho ako bilang sales lady kahit 4 years ang tinapos ko.

Niyaya nila ako noon, para makakuha din ng magandang trabaho gaya nila, pero ako ang umaayaw kasi hindi ko pa yata kayang makipagsabayan sa kanila.

Tinutulungan nila ako para mabago ang buhay ko, pero ako ang umaayaw, dahil ayaw akong payagan ni Charlo na nagkalayo kami.

Hanggan sa nung huli ay nagdesisyon na ako na umalis sa amin lugar para maghanap ng ibang trabaho para maka-ahon din kami.

Kaya napadpad ako dito at para walng gulo isinama ko na lang si Charlo.

Paulit-ulit kong iniisip ang sitwasyon ko sa buhay Love Talk, hindi ako masaya sa sitwasyon ko at ayoko naman sanang mawala ako sa mundong ito na puro pagtitiis na lamang.

Tama po kayo, dahil sa mali at pabigla-bigla kong desisyon na ginawa sa buhay ay nagdurusa ako ngayon.

Ilang ulit ko nang binalak na mag-atemp na muli ay makipaghiwalay kay Charlo para mamuhay ng normal at malaya.

Gusto ko sana kasing maranasan ang maging malaya, at gusto ko ring makag-isip kung ano talaga ang nais ko sa buhay, lalo pa at ang totoo ay hindi ko na mahal ang itinuturing kong asawa, kundi noon paman ay awa lang talaga ang danarama ko sa kaniya.

Noon paman ay malamig talaga ang pakikitungo ko sa kaniya simula ng may na-realize akong mga bagay.

Pero hindi ko talaga ginawa ang iniisip ko dahil sa nakukunsensiya naman po ako, kahit hanggang ngayon.

Pero tama po ba na ganito na lang ako, walang happiness sa buhay?

Hanggang kailan ko pa kaya ito kakayanin?

Wala naman pong nanliligaw sa akin o kahit 3rd party kung bakit nag-iisip ako ng ganito.

Sadyang may mga bagay lang po talaga na mahirap ipaliwanag lalo na kung may masasaktan kang tao.

Simula nang nagkatrabaho ako, pinatigil ko na rin siya sa kaniyang trabaho.

Kahit papano ay handa naman sana akong tulungan sila financially kahit wala na kami, dahil malaki ang utang na loob ko sa kaniya.

Pero ang tanong ko, tama po ba ang balak ko na tuluyan na siyang iwan, dahil parang hindi ko na kayang makisama pa sa kaniya?

Matagal na rin po akong kulong sa sitwasyong ito Love Talk, at nais ko rin sanang magkaroon ng bagong direksiyon sa buhay ko.

Nakahanda naman po akong bumalik sa kaniya sakaling ma realized ko mahal ko parin pala siya.

Konsensiya po ang kalaban ko ngayon.

Ano ang gagawin ko?

Maraming salamat sa pag-basa sa sulat ko at sana ay matulungan n’yo ako sa pag-gawa ng desisyon. Pagpalain sana kayong lahat ng Diyos.


Umaasa,

“SHEENA”

Saturday, November 3, 2012

Puso o ang pamilya?


November 3, 2012

Dear Love talk,

Magandang gabi sa lahat ng inyong taga-pakinig ngayong gabi.

Tawagin na lang ninyo ako sa pangalang “Charry” 28 years old at kasalukuyang naguguluhan sa buhay kung puso o pamilya ba ang susundin.

Love talk, lumaki ako at namuhay na hindi naghihirap, solong anak at may negosyo ang mga magulang ko sa Davao.

Napadpad lang ako dito sa Boracay upang makakuha ng “Work Experience” pero tatlong taon na rin ako dito dahil napamahal na sa akin ang Boracay, lalo pa at ang taong mahal ko ay naririto rin.

Tawagin ko nalang siya sa pangalang “Aldrin” taga Aklan si Aldrin at 25 years old pa lamang, at ibigsabihin mas matanda ako sa kaniya ng tatlong taon.

Kasama ko si Aldrin sa trabaho, bartender ako at siya ay helper sa kitchen ng resort na pinagtatrabahuhan ko rin.

Mabait siya, masayahin at na-attract ako sa nakamamatay niyang ngiti.

Maayos din siyang manamit at masaya siyang kausap kahit pa noong una na co-employee pa lang ang relasyon namin.

Na develop lang kami dahil sa tukso ng mga ka-trabaho namin, minsan kasi nai-share ko sa best friend ko na ka-trabaho ko rin na parang nahuhulog na ang loob ko kay Aldrin.

Simula noon, madalas na kaming tinutukso, hanggang sa naging malapit na kaming magkaibigan.
Nanligaw si Aldrin after 5 months na naging close kami sa isa’t isa.

Hindi ako nagdalawang isip na sagutin siya kasi ang totoo ay mahal ko naman talaga siya.

Masaya kami love talk, marunong siyang mag-adjust kahit pa almost 3 years ang gap ko sa kaniya.
Malapit na rin kaming mag-dalawang taon sa aming relasyon ngayon.

Ipinakilala ako ni Aldrin sa kaniyang mga magulang at kapatid.Mababait silang lahat at masaya ako na, nakasama ko sila.

Simple lang ang buhay nila Aldrin, ang tatay niya ay magsasaka, habang sa bahay lang ang nanay nito at ang mga kapatid ay nagtatrabaho sa konstraksiyon.

Sa kanilang magkakapatid na pawang mga lalaki, ang boyfriend ko ang bunso at nakatung-tung sa koliheyo.
Kaya lang hindi pinalad, kaya under graduate lang siya sa kursong Engineering, bale isa at kalahating taon palang siya sa College at natigil dahil sa kapos talaga.

Nag-aral ulit siya ng anim na buwan sa Vocational School at nakapagtapos siya doon.

Wala akong problema sa kaniya Love Talk, nakita ko naman kasing nagsusumikap siya. Ma-diskarte siya sa buhay at nakita ko namang marangal siyang tao.

Pero sadyang ayaw talaga ng panahon sa amin.

Nang-sumama siya sa amin love talk para magbakasyon noong March, hindi po siya nagustuhan ng aking mga magulang, mga tita ko at mga kamag-anak.

Nalaman kasi nilang kapos sa buhay ang pamilya ni Aldrin.

Ako ang naaawa para sa Boyfriend ko ng ipakilala ko sa kanila. Tingin ko nga, kulang na lang ay kaliskisan nila sa pagtatanong pa lang at ipamukha ng pamilya ko sa kaniya na ayaw nila sa aming relasyon.

Pero, kahit nahihinaan na siya ng loob sa mga oras na iyon nakita kong pursigido parin si Aldrin.

Pagbalik namin dito sa Boracay, mismong si Aldrin na ang nakipaghiwalay sa akin, di niya raw kasi alam na maganda ang buhay ko doon at nag-iisang anak lang, alaga ng yaya at may nagsisilbing katulong, samantalang siya ay parang ka-level lamang ng mga katulong nila at bread winner pa sa kanilang pamilya.

Sadyang ganito siguro ang true love, kasi kahit umiwas na minsan sa akin ang bf ko, pero ako naman itong sunod ng sunod para magpaliwanag. Kaya muli kaming nagkabalikan.

Infairness kay Aldrin, kahit ganon lang ang sitwasyon nila sa buhay, nagsusumikap ito, na kahit papaano ay magampanan niya ang pagiging boyfriend sa akin.

Naglalaan talaga siya ng kahit konti sa kita niya para makapag-date kami, nakakapag-bigay din ng simpleng regalo kapag may mahalagang okasyon sa buhay namin at nagpaplano na para sa kinabukasan namin.

Sinabi niya rin nito love talk, na kung bibigyan siya ng pagkakataon, ipapakita niya sa pamilya ko na kaya niya akong buhayin, hindi man sa magarbong bahay at pa-sosyal na buhay, pero kahit paano ay magsusumikap siya para sa amin.

Nakikita ko naman iyon love talk, dahil kahit papaano ay nag-iipon rin siya ngayon sa account niya na ako ang may hawak.

Nakokunsensiya din ako kapag may mga oras na dalawa lang kami, paulit-ulit niyang sinasabing kung nagbago daw ang isip ko, kung sakaling nahihirapan ako sa piling niya at hindi ko siya kayang iharap sa pamilya niya, sabihin ko lang daw sa kaniya, kaysa naman iwan ko lang siya bigla, kasi maiintindihan naman daw niya ako.

Pero lovetalk, hindi pa talaga kaya ng sistema ko na mawala siya sa buhay ko. Siya lang kasi ang bukod tanging nagpapasaya sa buhay ko ngayon at bahagi na siya ng plano ko sa hinaharap.

Pero ngayon love talk bakit ganito, parang pinang-hihinaan na rin ako ng loob, at may mga oras na parang susundin ko na rin ang sinasabi ng buong angkan ko.

Kaya naguguluhan ako love talk, dahil hanggang sa ngayon ay madalas akong kinukulit ng pamilya ko na hiwalayan na si Aldrin dahil hindi niya ako kayang buhayin.

Nais ko rin sanang makakuha ng payo para ma-uplift naman ako.

Mahal ko po si Aldrin at mahal ko rin ang pamilya ko, kaya gulong-gulo ako kung sino ang papakinggan ko, 

Puso po ba o ang pamilya ko?


Nagmamahal,

"CHARRY"





Saturday, October 27, 2012

Hindi makapag-move on


October 27, 2012


Dear Yes Love Talk,

Magandang gabi sa lahat ng mga naksubaybay sa Yes Fm lalong-lalo na sa programang ito.

Nagdadalawang isip akong ibahagi sa inyo ang problemang pag-ibig ko pero sa tingin ko ay kailangan ko talaga itong gawin kaya lakas loob akong sumulat sa inyo at nagbabakasakaling matutulungan n’yo ako.

Tawagin n’yo na lang ako sa pangalang “ARIANE”, 26 years old, at tatlong taon nang nagtatrabaho sa Boracay.

Mag-dadalawang taon na akong single, at walang idine-date, dahil hindi ko pa rin makalimutan ang dati kong nobyo.

Siguro dahil na din sa mga magagandang pinagsamahan namin, o siguro dahil natatakot na rin akong magkamali pa ulit.

Si “BENJ” ang huli kong naging boyfriend. Since college, nasa isang department kami at batchmates din, hanggang sa niligawan niya ako, at noong nag-graduate kami ay sinagot ko siya at naging kami na nga.

Siya ‘yung lalakeng masasabi kong madalas na pinagpapantasyahan at pinag-aagawan sa campus noon hindi lang dahil sa looks niya kundi dahil na rin sa character niya. Mabait siya, isang gentleman, talented din at matalino, bukod sa pagiging matangkad at guwapo.

Bilang boyfriend, wala na akong mahihiling pa, dahil para sa akin, perfect na siya. Very supportive siya, thoughtful, at palagi siyang may surprise para sa akin. May dadalawin niya ako kahit na busy siya, o may gifts na ipapahatid sa akin. Talagang malaki ang pasasaalamat ko na siya ang pinili ko at naging boyfriend ko siya.

Pagkatapos naming mag-OJT dito sa Boracay, pareho din kaming na-absorb ng mga company na pinag-OJT-han namin. Kaya dito na kami nagtrabaho sa Boracay. Dahil may relative ako that time na dito din sa Boracay nagtatrabaho, doon ako sa kanya tumira. Si Benj naman, kumuha ng boarding house.

Magkaiba man ang mga kumpanyang pinapasukan namin, palagi pa rin kaming gumagawa ng paraan para makapag-kita o magkaroon ng komunikasyon. Pero dahil nadadagdagan ang mga responsibilidad ko sa trabaho, unti-unti ding nababawasan ang oras ko sa kanya.

Hanggang sa nag-iba na ang ugali niya. Naramdaman ko na hindi na kami katulad ng dati. Palagi na lang kaming nag-aaway kahit sa mga maliliit lang na mga bagay.

Isang araw, nalaman ko na lang mula sa isang kaibigan na nakikipag-kita na pala siya sa ibang babae. Hanggang sa nakipag-live in na pala siya sa iba, na nagkataon na isa pa sa mga pinaka-malapit kong kaibigan. Hindi man lang niya sinabi sa akin na ayaw na pala niya.

Hindi naging maganda ang paghihiwalay namin. Hindi man lang kami nagkita o nakapag-usap bago siya umalis dito sa Boracay. Nagtagal ng tatlong taon ang relasyon namin.

Malaki ang panghihinayang ko sa relasyon namin. Inakala ko na dahil mahal naman niya ako, maiintindihan niya kung bakit hindi ko nagagawang maglaan ng oras sa kanya. Hindi ko naman masasabing malaki ang pagkukulang ko dahil gumagawa pa rin naman ako ng effort para maglaan ng kahit kongting time para sa kanya, pero iniwan niya pa rin ako sa ere.

Pero hindi ko pa rin siya makalimutan. Umaasa pa rin ako hanggang ngayon na babalikan niya ako and magiging kami na ulit. Hindi pa rin ako nagpapalit ng number ko dahil umaasa pa rin akong isang araw ay tatawag siya o magtetext siya sa akin.

Minsan naiiyak na lang ako sa kaiisip sa kung anong nangyari sa amin at sa kung ano na sana kami ngayon. Hindi ko pa rin nakikita ang sarili ko na may ibang ka-relasyon bukod kay Benj. Pangarap ko ring magkaroon ng sariling pamilya, pero hindi ko talaga makalimutan si Benj.

Nagyon, may mga nanliligaw sa akin. Hindi naman sila nahuhuli kay Benj, pero natatakot pa rin ako na baka ganoon lang din ang kahinatnan ng susunod kong relasyon.

Love Talk, anong dapat kong gawin? Paano ko makakalimutan si Benj? Paano ko magagawang tumaggap ng ibang lalake sa buhay ko? Paano ako magmo-move on?

Hanggang dito na lang muna ang sulat ko. Maraming salamat sa pagbasa ng aking sulat at sana ay mabigyan n’yo ako ng payo sa sitwasyon ko.


Lubos na gumagalang at umaasa,

“ARIANE”

Saturday, October 20, 2012

Nag-mahal ng "immature"

October 21, 2012

Dearest Love Talk,


Maligayang gabi sa lahat.

Isa rin po ako sa nakikinig sa inyong programa.

Nakakatawa at nakakahiya man, sumulat ako sa inyo para humingi ng payo, pero ginawa ko ito para malinawan din ang isip ko sa tulong ng mga payo ninyo.

Love Talk, lalaki po ako, pero nagkakaproblema din sa buhay pag-ibig.

Tawagin nyo na lamang sa pangalang “ARTHUR”, di ko tunay na pangalan, biyudo, ngunit walang anak.

Namatay ang asawa ko 11 years ago, 3 years pa lang kaming kasal nang ma-aksidente siya.

43 years old na ako ngayon, pero matikas pa rin dahil sa opisina lang trabaho ako, walang bisyo at alaga sa exercise.

Hindi sa nagmamalaki pero kung titingnan, mukhang nasa mid 30s pa lang ako, kaya kahit papano ay may mga babaeng nagkakagusto pa rin sa’kin, ako lang ang umiiwas, dahil ayaw ko ng sakit sa ulo.

Sa loob ng maraming taon hindi ko naiisip mag-asawa ulit, dahil matagal ako bago naka-recover hangang sa napadpad ako dito sa Boracay.

May dalawang taon na rin ako dito, Love Talk, gaya ng inaasahan ko ,dito ko pala sa Boracay makikita ang babaeng muling magpapatibok ng aking puso.

Nabuhayan na po ako ng loob ng makilala ko si “GERLIE” hindi nya rin totoong pangalan.

Pero parang hindi yata ito ang tamang panahon para sa amin.

Sa Gerlie kasi ay 22 years old pa lang at mahigit 20 years ang agwat ng edad namin.

Naniniwala naman sana ako na “age doesn’t matter”.

Ramdam ko rin naman na mahal ako ni Gerlie, dahil na kita ko sa kanya na loyal siya at ilang beses kong na patunayan iyon,  na kahit may nanliligaw sa kaniya hindi na nito pinapatulan pa.

Ngunit ang problema ko Love Talk, napansin ko sa ugali niya na parang teenager pa rin siya umasta.

Although naiintindihan ko siya dahil bata pa nga naman siya, pero may mga oras na parang wala na rin sa lugar ang ugali niya at hindi ko rin siya mapigil sa mga nais niya.

Subalit pagdating naman sa pagsasama namin, nakita ko na marunong at maalaga naman siya sa akin.

Sa ngayon kasi nagli-live in kami at almost 9 months na rin, pero ang labas ko ay para alalay o tatay nalang niya.

Kapag nariyan ang barkada niya out of place na rin ako sa kaniya.

Love Talk, panay po kasi ang labas nila ng kanyang mga friends mga limang beses sa isang buwan at kalimitan ay lasing na siya kung umuwi.

Hinayaan ko na lang siya sa mga nais niyang gawin, pero hindi talaga maalis sa isip ko na mag-alala kapag lumalabas sila at kung sino-sino ang kasama nila.

Nakakahiya mang aminin, pero, nagseselos na rin ako minsan sa nga friends niya, lalo pa at madalas ay tinutukso siya ng mga ito sa ex niyang friend na rin nila ngayon.

Bago kasi kami ay naging boyfriend nito ang kaniyang kaibigan, pero may tiwala naman po ako sa kaniya at ramdam ko naman na tapos na nga talaga sila sa kanilang relasyon.

Sa mura niyang edad, niyaya ko na rin po siyang magpakasal at hindi naman siya tumanggi.

Ang problema, kapwa mga magulang namin ay ayaw sa relasyon namin.

Sa part kasi ng parents ko, ayaw nila kay Gerlie ang kaniyang pagiging “easy-go-lucky” at pagiging immature nito.

Ang mga magulang niya naman ayaw sa akin kasi malayo ang agwat ng edad namin.

Ito rin ang rason Love Talk kung bakit hindi namin masabi sa mga parents namin na nagsasama na kami ngayon ni Gerlie.

Tingin ko desidido naman ang fiancée ko na pakasalan ako kahit tutol ang mga magulang namin.

Naniniwala ako na mababago iyon lalo pa at balak na rin namin lumagay sa tahimik at bumuo ng pamilya.

Love Talk, sa tingin po kaya ninyo, sapat na ang siyam na buwan na pagsasama namin para makilala namin ang bawat isa?

Aaminin ko, nagdududa ako sa mga galaw niya ngayon na parang hindi na ako ang priority niya. Noong una ay hindi naman ganito kalala ang sitwasyon namin.

Nagtataka nga din ako kasi noong nanliligaw ako sa kanya ay hindi naman siya ganito, nag-umpisa lang ang lahat nang dumating dito ang mga kaklase niya noong nasa kolehiyo pa siya para magtrabaho, samahan pa ng mga co-employees niya.

Love Talk, ang pagmamahal ko ba sa kaniya ay magiging sapat na para hindi magbago ang isip niya sa pagpapakasal sa akin?

Ayaw ko din naman na masakal o makapag-higpit sa kanya at baka lalong lumala ang sitwasyon namin.

Minsan, may pagkakataon na gusto ko ring maki-join sa kanila pero parang hindi naman ako welcome sa kanila.

Physically, hindi naman ako ang tipo ng tao na para naïve na tao, at masasabi mong out of these world.

Nakikisabay din ako at marunong makisama, Love Talk, kaya ganoon na lang ang pagtataka ko kung bakit ayaw niya akong makasama kapag lumabas sila.

Pero kung ako naman ang lumabas kasama ang mga kaibigan at katrabaho ko ay big deal na iyon sa kaniya.

Lately, minsan ay wala na rin siyang paki-alam sa feelings ko, basta enjoy lang siya sa mga barkada niya hanggang sa text.

Paliwanag niya sa akin, kesyo daw sa sinusulit niya lang ang pagiging single niya dahil sa susunod na taon na ang kasal namin.

Minsan, tinatanong ko siya kung nagbago na ang isip niya, pero sinasagot niya akong desidido pa rin siyang pakasal sa akin.

Love Talk, hahayaan ko nal ang ba siya sa ganitong gawain niya? Minsan, lasing na siya kung umuwi at kapag natanggal na ang pagka-lasing ay parang wala lang nangyari.

Tulungan n’yo naman akong, kung anong klaseng approach ang gagawin ko para maunawaan niya rin ako, concern lang ako sa kaniya.

Tama din po ba na mag-selos ako sa mga friends niya?

Kung ganyan siya ng ganyan, tama po bang ituloy pa namin ang pagpapakasal?

Takot kasi ako na kapag nakasal na kami at nasanay na siya sa buhay na ganito, baka hahanap-hanapin niya iyon.

Maraming salamat sa pagbasa ng aking sulat, at sana ay mapayuhan ninyo ako.


Lubos na nagmamahal,

“ARTHUR”