Saturday, November 24, 2012

Mahal ko ang pinsan ko


November 24, 2012

Dear Love Talk,

Magandang gabi po sa inyo. Tawagin niyo na lang po akong “KAREN.” May asawa na ako at may tatlong anak. Ang asawa ko ay 3 years nang nagtatrabaho sa ibang bansa.

Nitong huli, parang bula na lang siyang naglaho –di na siya tumatawag at di na rin nagpapadala sa amin. Isang taon na niya kaming pinabayaan ng mga anak ko.

Sa hirap ng buhay namin ay pumunta ako rito sa Boracay para magtrabaho. Ginagawa ko ito habang nag-aaral pa ang mga anak ko.

Tatlong buwan na akong nagtatrabaho rito sa Boracay nang tawagan ako ng pinsan ko upang humingi ng tulong. Itago na lang natin siya sa pangngalang “KARLO.”

Tumawag sa akin si KARLO dahil gusto niyang makapagtrabaho rito sa Boracay. Pumunta siya rito sa Boracay at dahil wala naman siyang mapuntahang iba ay, sa bahay ko na muna siya nakitira.

Lagi kami magkasama ni KARLO at habang tumatagal ay di namin akalain na nahulog na ang loob namin sa isa’t-isa.

Nagsama na kami bilang mag-asawa dahil nga sa napamahal na kami sa isa’t-isa. Limang buwan na kaming nagli-live in at sa panahong iyon ay may nangyayari rin sa amin.

Love Talk, sana po matutulungan nyo po ako sa problema ko dahil di ko na kaya. Alam kong mali ang ginagawa namin at hindi kami puwedeng magsama habangbuhay dahil magpinsan kami ni KARLO.

Pero nangingibabaw pa rin ang pagmamahalan naming dalawa. Sinubukan naming na lumayo pareho sa isa’t-isa. Umuwi ako sa amin ng 15 days at siya naman ay umalis din sa bahay na inuupahan namin. Nakituloy siya sa kaibigan niya na kasama niya sa work. Pareho kaing walang contact sa isa’t-isa. Ino-OFF ko yung cellphone ko at ganoon din siya.

Nakalipas ang 15 days, bumalik ako sa Boracay dahil akala ko tapos na ang lahat sa amin. Nalaman ito ni KARLO at agad siyang pumunta sa bahay para sabihin na mag-usap kami.
Pumayag naman akong makipag-usap dahil mahal ko pa rin naman siya at inaakala kong sa pag-uusap namin ay matatapos na ang lahat.

Subalit mali pala ako. Sinabi ni KARLO sa akin na hindi raw niya kayang magkahiwalay kami at mahal na mahal niya raw ako. Pareho rin ang nararamdaman ko sa kanya. Sa madaling salita, nagkabalikan kami at nangako na magsasama ulit.

Natatakot po ako kung ano po ang mangyayari sa amin kapag nalaman ng mga magulang namin ang relasyon naming. Itinatago namin ito sa kanila.

Ang nanay ni KARLO ay kapatid ng tatay ko. Gulong-gulo na po ako kung ano po ang gagawin naming –kung ipagpapatuloy pa ba namin itong relasyon namin o itigil na.
Sana po matulungan ninyo po ako.

Nagmamahal,

KAREN

Saturday, November 17, 2012

Pakikipag-kaibigan, o pakikipagka-ibigan?


November 17, 2012



Dear YES Love Talk,


Magandang gabi sa inyo at sa inyong mga kanikinig sa programang ito.

Itago nyo na lamang po ako sa pangalang “SAMMY”, 28 years old at nagtatrabaho bilang isang electrician sa hotel dito sa Boracay.

Wala akong girlfriend sa ngayon pero may dalawang best friend po.

Silang dalawa ay ka-edaran ko, pero naging malapit ako sa kanilang noong nag-aaral pa kami.

Si “SHIELA” ay best friend ko na noong kabataan pa namin, iisang barangay lang kami at classmate ko siya noong nasa elementary grades at high school ako.

Noon pa man ay madalas na kaming nagsasama kahit saan kami magpunta, dahil kapag kasama ko siya kamapante naman ang kapawa magulang namin.

Sa umpisa pa lang ay ganito na talaga si Shiela, malabing siya, maalalahanin, masiyahin din at higit sa lahat  open siya sa akin sa mga bagay-bagay na nangyayari sa kaniya, na kahit personal niyang activity sa buhay ay ibinabahagi niya sa akin.

High school kami at nagka boy friend siya, minsan pinagsiselosan ako, dahil nakikita niyang madalas kaming nagsasama pati hanggang sa pag-uwi at pagpasok ng school, na parang  ay magkapatid lang talaga kami.

Subalit noong nag-college na kami, magkaiba ng  eskwelahan pinasukan namin, nasa private siya at ako sa public ako.

Simula noong minsan na lang kami magkita.

Pero nakilala ko si “JAMES”, kaklase ko siya at naging best friend ko rin.

Si James ang taga-gawa ko dati ng love letter kapag may babae akong nagugustuhan.

Siya din ang rason kung bakit ako naging malapit sa kapatid niya na naging girl friend ko rin, pero sa nauwi lang kami sa hiwalayan at nauna na itong mag-asawa.

Limang taon na din ako dito sa Boracay, pero wala pa sa isip ko ang pag-aasawa kaya nang magka girlfriend ako magdadalawang taon na kaming break, pinagpahinga ko na rin muna ang puso ko.

Si Shiela ay 3 years na rin dito sa Boracay na nagtatrabaho sa admin ng isang resort.

Iisang boarding house kami pero magkahiwalay ng room.  Ako din ang nagdala sa kaniya dito dahil nagpatulog sa akin ang kanyang nanay na makapagtrabaho dito, kaya naging close kami uli ng best friend ko.

Love Talk, lahat ng pangyayari sa buhay ko ay alam ni Shiela, pati ang pakikipag live in ko sa ex ko dito sa Boracay.

Siya ang naging sandalan ko kapag dumaranas kami ng problema ng dating girlfriend ko hanggang sa nagkahiwalay kami.

Lumipas ang panahon na normal naman ang lahat at nagtuturingan kami na parang magkapatid lang talaga Love Talk.

Halos sa pagkain sa dinner sabay kami at toka-toka sa pagluluto.

Masaya akong kasama siya at ganoon din si Shiela.

Pati sa pinupuntahan niyang gimik kasama niya ako, friends niya friends ko na rin at barkada ko, barkada na rin niya.

Pati ang mga manliligaw niya ay pinaglalaruan namin minsan lalo na kung ayaw niya sa taong iyon.

Pero ang masayang sitwasyon naming ito, Love Talk, ay napalitan na ngayon ng pagduda.

3 months ago kasi dumating ang isa kong best friend na si James, galing siya Maynila.

Pumunta siya dito para maghanap din ng trabaho at nakahanap naman agad.

Iisang room po kami ni James dahil noon pa man nang nasa college kami ay isang boarding house din kami.

In short, wala naman akong problema kay James at mabait naman siyang tao.

Ngunit sa pagdating ni James sa buhay naming, Love Talk, nagsimulang nang magkaroon ng pagdududa ang isipan ko.

Kaylan lang kasi ay inamin sa akin ni James na gusto niyang ligawan si Shiela.

Wala naman akong nakitang problema doon dahil pareho ko na rin silang kilala.

Pero ako ang may problema ngayon. Nagseselos na ako kahit nagkukuwento pa lang siya ng kaniya feelings sa best friend ko na itinututing ko na ring kapatid.

Mahirap na po siguro na mag-deny pa ako, pero pakiramdam ko sa sarili ko ay may kung anong galit na nabubuo sa dibdib ko kapag excited siyang nagkukwento sa akin tungkol sa kanila ni Shiela.

Minsan na rin po kasing nagpa-alam sa akin si James na i-set ko sila ng date, na pumayag naman ako.

Pero nakita ko sa mukha ni Shiela na ayaw niyang gawin sana iyon.

Pagkatapos noon ay kinausap ako ni Shiela na parang nagtatampo na sa akin.

Pero may sinabi siya sa akin bago lubusan niya akong hindi na kibuin.

Ang salitang iyon ay hanggang ngayon ay hindi ko pa nakakalimutan, nang sabihan niya akong “manhid ka”.

Ngunit parang hindi malinaw sa tingga ko iyon dahil paalis na siya ng sabihin niya.

3 weeks na kaming parang Alien ang bawat isa ngayon. Marami na rin akong na-realize nang hindi na kami nagpapansinan.

Kapag nakikita ko siyang malungkot, gusto ko siyang lapitan at kausapin sana, pero, nahihiya na rin ako, lalo na at nagsisimula nang manligaw si James sa kaniya.

Umiiwas na rin siya sa akin ngayon, bagay na parang hindi ko rin matanggap dahil hindi man lang kami nag-usap at hindi nagkalinawan pa.

Pero masakit talaga sa part ko na makita sila ni James na nag-uusap at nakikita ko siyang hindi masaya.

Walang duda na mahal ko na nga si Shiela, at nitong huli ko lang ito na pagtanto kung saan na galit na siya sa akin.

Siya na pala ang babaeng hinihintay ko pero ngayon ko lang ito naramdamdaman.

Bawat araw na lumipas na nakikita ko siya na iniiwasan ako, pakiramdam ko ang bigat-bigat ng loob ko.

Ano pa ba ang maaari kong gawin? Nakita ko kasing seryoso na rin si James sa panliligaw niya kay Shiela, ayaw ko naman na ito pa ang pagmulan ng away namin.

Dati ay may nanligaw sa kaniya at ginagawa pa naming katatawanan, pero bakit hindi ako noon nagseselos? Ngayon ko lang ito nadama ng umamin na sa akin si James.

Hindi ko rin gusto na masayang ang friendship namin ni Shiela ng ganito lang.

At ayaw ko na rin sanang pahirapan pa ang sarili ko sa ganitong sitwasyon.

Minsan naisip ko na ring magtapat sa kaniya pero, natatakot ako na baka pagtawanan o kaya ay mabasted niya.

Ngunit  mahal na mahal ko pala siya at parang hindi ko na palalampasin pa ang pagkakataong ito.

Ano ang gagawin ko Love Talk?

Salamat sa oras ng pagbasa ng sulat ko, nawa ay magabayan ninyo ako.


Umaasa,

“SAMMY”





Saturday, November 10, 2012

Nagsisisi sa maling desisyon

November 10, 2012


Dear YES Love Talk,


Magandang gabi inyong lahat ng nakikinig sa himpilang ito, at sa programang Love Talk.

Bago ko sana simulang ilatag ang problema ko sa buhay, humihingi muna ang ng pag-unawa sa lahat, sa sitwasyon ko ngayon.

Yes, maling desisyon po ang ginawa ko sa buhay at ang sarili ko rin ang sinisisi ko.

Tawagin na lamang ako sa pangalangang “SHEENA”, 29 years old, pero sa edad kong ito hindi pa rin kayang magdesisyon para sa sarili kong kaligayahan dahil marami ang isinasaalang-alang sa buhay.

May live in partner po ako Love Talk, 42 years old na siya ngayon at tawagin ko na lang siya sa plangalang “CHARLO”.

Nasa fourth year high school pa lang ako Love Talk ng maging kami na, at 17 pa lang ako noon.

Ang mga magulang ko ay walang permanenteng trabaho, ang nanay ko ay sa bahay lamang at nag-aasikaso sa aming apat na magkakapatid.

Ang tatay ko naman ay magsasaka lang at pa extra-extra bilang construction worker kaya hindi sapat ang income para pag-aralin kami lahat.

Sobrang hirap po ng buhay namin, lalo pa at nakatira kami sa malayong barangay dito sa Aklan, kaya parang pinagkaitan kami ng sapat na edukasyon, pangaral sa magulang, dagdagan pa na malayo kami sa bayan kaya hindi namin naranasan ang makisalamuha sa marami at iba’t-ibang tao.

Panganay ako sa aming magkakabatid, kaya ramdam ko ang pressure sa balikat ko na kailangan akong makapagtapos ng pag-aaral.

Timing naman dahil dumating sa buhay ko si Charlo, isang baranggay lang ang tinitirahan at katulad ng tatay ay magsasaka at sa konstraksiyon lang din siya nagtatrabaho.

Nanligaw naman po siya sa akin sa murang edad ko palang nang nasa high school pa ako.

Tinanggap ko siya kasi kahit hindi siya nakapagtapos nakita kong nagsusumikap siya at handa naman siyang panagutan ako kung sakali.

Ina-amin ko, attracted naman ako noon sa kaniya.

Pagka-graduate ko ng high school, hindi na ako pinag-aral ng nanay at tatay kaya maaga pa lang ay nakapag-asawa na ako.

Swerte ko naman, dahil si Charlo mismo ang nag-offer na pag-aralin ako sa isang private na paaralan at apat na taong kurso pa ang pinakuha sa akin.

Siya po lahat ang gumastos love talk, hindi muna ako pumayag na mabuntis para hindi rin ako mahirapan.

Pero nang nasa 2nd year college na ako, doon nagsimulang nagising ako sa katotoohanan, na ang mundo pala para sa akin at sa aming lahat ay nasisimula pa lang na lumapad.

Nalungkot ako Love Talk, nang ma-realize na marami pa pala akong maaabot kung hindi muna ako nag-asawa dahil marami naman pa lang paraan kapag magsikap lang ako.

Simula doon, inusig na rin po ako ng aking konsensiya, dahil hindi ko alam kong paaano ko masabi ang mga bagay na ito kay Charlo.

Naglakas loob ako na sabihin sa kaniya at nakipaghiwalay ako, habang may panahon pa.

Umalis ako sa bahay nila ay umuwi sa mga magulang ko.

After 5 days, pumunta si Charlo sa bahay, nagmaka-awa na balikan ko siya.

Sobrang awa ang nadama ko sa kaniya ng mga sandaling iyon.

In fairness naman kasi, wala siyang ginawang mali, naging responsible siyang asawa kahit hindi kami kasal, at ako lang talaga itong problema.

In short tinanggap ko ulit si Charlo sa paniniwala na baka maibabalik naman ang lahat pati ng feeling ko sa kaniya.

Habang dumadaan ang araw, naging maayos naman ang relasyon namin, pero lalo yata akong nalulugmok sa lugkot.

Tuwing kasama ko kasi ang mga kaklase at kaibigan ko sa school, parang naiinis ako sa sarili ko kasi hindi ako maka-relate sa kanila.

May mga bagay silang pinag-uusapan na hindi ko pa nararanasan sa buhay, dahil sa lumaki lang ako sa liblib na barangay.

Minsan sa mga gimik nila sinasama nila ako, kahit nililibre po nila lamang maaliw lang daw ako at kahit paano ay maranasan ko rin ang happiness sa buhay na hindi ko napagdaan.

Kaya ay pinag-papaalam nila kay Charlo, pinapayagan na ako.

Hindi naman sa ini-impluwensiyahan nila ako, ngunit nais lang daw nilang maging-“in” din ako paminsan-minsan.

Doon ko na rin nag-umpisa na mag self pity ako, dahil kahit papaano concern sila sa akin, ‘yon nga lang limited lang din ang magagawa nila  para sa akin dahil may-asawa na ako.

Kung may okasyon silang pinupuntahan, dinadala nila ako Love Talk, ako lang talaga ang umiiwas dahil pakiramdam ko ay hindi ako bagay sa pagtitipon na iyon.

Love Talk, huli na rin yata kasi ng makita ko na ang mundo pala ay isang malaking “battle ground” na dapat ay handa ka sa ano mang mangyayari, masaya, nakakapagod at dapat paghandaan, magulo pero kapag naroroon ka na dapat ay sumunod lang sa agos ng panahon para hindi ka rin kakalabanin ng pagkakataon.

Iba po naman kasi ang mundong kinagisnan ko sa mundo nila, ramdam ko na pilit nila akong iniintindi at maiingat din, pero hindi talaga pwede dahil ako na mismo ang umiiwas.

Nahihiya kasi ako Love Talk sa totoo lang.

Nang nagtapos kami ng college, pero kahit paano ay inaalala pa nila ako hanggang sa ngayon.

After college, nagtrabaho ako bilang sales lady kahit 4 years ang tinapos ko.

Niyaya nila ako noon, para makakuha din ng magandang trabaho gaya nila, pero ako ang umaayaw kasi hindi ko pa yata kayang makipagsabayan sa kanila.

Tinutulungan nila ako para mabago ang buhay ko, pero ako ang umaayaw, dahil ayaw akong payagan ni Charlo na nagkalayo kami.

Hanggan sa nung huli ay nagdesisyon na ako na umalis sa amin lugar para maghanap ng ibang trabaho para maka-ahon din kami.

Kaya napadpad ako dito at para walng gulo isinama ko na lang si Charlo.

Paulit-ulit kong iniisip ang sitwasyon ko sa buhay Love Talk, hindi ako masaya sa sitwasyon ko at ayoko naman sanang mawala ako sa mundong ito na puro pagtitiis na lamang.

Tama po kayo, dahil sa mali at pabigla-bigla kong desisyon na ginawa sa buhay ay nagdurusa ako ngayon.

Ilang ulit ko nang binalak na mag-atemp na muli ay makipaghiwalay kay Charlo para mamuhay ng normal at malaya.

Gusto ko sana kasing maranasan ang maging malaya, at gusto ko ring makag-isip kung ano talaga ang nais ko sa buhay, lalo pa at ang totoo ay hindi ko na mahal ang itinuturing kong asawa, kundi noon paman ay awa lang talaga ang danarama ko sa kaniya.

Noon paman ay malamig talaga ang pakikitungo ko sa kaniya simula ng may na-realize akong mga bagay.

Pero hindi ko talaga ginawa ang iniisip ko dahil sa nakukunsensiya naman po ako, kahit hanggang ngayon.

Pero tama po ba na ganito na lang ako, walang happiness sa buhay?

Hanggang kailan ko pa kaya ito kakayanin?

Wala naman pong nanliligaw sa akin o kahit 3rd party kung bakit nag-iisip ako ng ganito.

Sadyang may mga bagay lang po talaga na mahirap ipaliwanag lalo na kung may masasaktan kang tao.

Simula nang nagkatrabaho ako, pinatigil ko na rin siya sa kaniyang trabaho.

Kahit papano ay handa naman sana akong tulungan sila financially kahit wala na kami, dahil malaki ang utang na loob ko sa kaniya.

Pero ang tanong ko, tama po ba ang balak ko na tuluyan na siyang iwan, dahil parang hindi ko na kayang makisama pa sa kaniya?

Matagal na rin po akong kulong sa sitwasyong ito Love Talk, at nais ko rin sanang magkaroon ng bagong direksiyon sa buhay ko.

Nakahanda naman po akong bumalik sa kaniya sakaling ma realized ko mahal ko parin pala siya.

Konsensiya po ang kalaban ko ngayon.

Ano ang gagawin ko?

Maraming salamat sa pag-basa sa sulat ko at sana ay matulungan n’yo ako sa pag-gawa ng desisyon. Pagpalain sana kayong lahat ng Diyos.


Umaasa,

“SHEENA”

Saturday, November 3, 2012

Puso o ang pamilya?


November 3, 2012

Dear Love talk,

Magandang gabi sa lahat ng inyong taga-pakinig ngayong gabi.

Tawagin na lang ninyo ako sa pangalang “Charry” 28 years old at kasalukuyang naguguluhan sa buhay kung puso o pamilya ba ang susundin.

Love talk, lumaki ako at namuhay na hindi naghihirap, solong anak at may negosyo ang mga magulang ko sa Davao.

Napadpad lang ako dito sa Boracay upang makakuha ng “Work Experience” pero tatlong taon na rin ako dito dahil napamahal na sa akin ang Boracay, lalo pa at ang taong mahal ko ay naririto rin.

Tawagin ko nalang siya sa pangalang “Aldrin” taga Aklan si Aldrin at 25 years old pa lamang, at ibigsabihin mas matanda ako sa kaniya ng tatlong taon.

Kasama ko si Aldrin sa trabaho, bartender ako at siya ay helper sa kitchen ng resort na pinagtatrabahuhan ko rin.

Mabait siya, masayahin at na-attract ako sa nakamamatay niyang ngiti.

Maayos din siyang manamit at masaya siyang kausap kahit pa noong una na co-employee pa lang ang relasyon namin.

Na develop lang kami dahil sa tukso ng mga ka-trabaho namin, minsan kasi nai-share ko sa best friend ko na ka-trabaho ko rin na parang nahuhulog na ang loob ko kay Aldrin.

Simula noon, madalas na kaming tinutukso, hanggang sa naging malapit na kaming magkaibigan.
Nanligaw si Aldrin after 5 months na naging close kami sa isa’t isa.

Hindi ako nagdalawang isip na sagutin siya kasi ang totoo ay mahal ko naman talaga siya.

Masaya kami love talk, marunong siyang mag-adjust kahit pa almost 3 years ang gap ko sa kaniya.
Malapit na rin kaming mag-dalawang taon sa aming relasyon ngayon.

Ipinakilala ako ni Aldrin sa kaniyang mga magulang at kapatid.Mababait silang lahat at masaya ako na, nakasama ko sila.

Simple lang ang buhay nila Aldrin, ang tatay niya ay magsasaka, habang sa bahay lang ang nanay nito at ang mga kapatid ay nagtatrabaho sa konstraksiyon.

Sa kanilang magkakapatid na pawang mga lalaki, ang boyfriend ko ang bunso at nakatung-tung sa koliheyo.
Kaya lang hindi pinalad, kaya under graduate lang siya sa kursong Engineering, bale isa at kalahating taon palang siya sa College at natigil dahil sa kapos talaga.

Nag-aral ulit siya ng anim na buwan sa Vocational School at nakapagtapos siya doon.

Wala akong problema sa kaniya Love Talk, nakita ko naman kasing nagsusumikap siya. Ma-diskarte siya sa buhay at nakita ko namang marangal siyang tao.

Pero sadyang ayaw talaga ng panahon sa amin.

Nang-sumama siya sa amin love talk para magbakasyon noong March, hindi po siya nagustuhan ng aking mga magulang, mga tita ko at mga kamag-anak.

Nalaman kasi nilang kapos sa buhay ang pamilya ni Aldrin.

Ako ang naaawa para sa Boyfriend ko ng ipakilala ko sa kanila. Tingin ko nga, kulang na lang ay kaliskisan nila sa pagtatanong pa lang at ipamukha ng pamilya ko sa kaniya na ayaw nila sa aming relasyon.

Pero, kahit nahihinaan na siya ng loob sa mga oras na iyon nakita kong pursigido parin si Aldrin.

Pagbalik namin dito sa Boracay, mismong si Aldrin na ang nakipaghiwalay sa akin, di niya raw kasi alam na maganda ang buhay ko doon at nag-iisang anak lang, alaga ng yaya at may nagsisilbing katulong, samantalang siya ay parang ka-level lamang ng mga katulong nila at bread winner pa sa kanilang pamilya.

Sadyang ganito siguro ang true love, kasi kahit umiwas na minsan sa akin ang bf ko, pero ako naman itong sunod ng sunod para magpaliwanag. Kaya muli kaming nagkabalikan.

Infairness kay Aldrin, kahit ganon lang ang sitwasyon nila sa buhay, nagsusumikap ito, na kahit papaano ay magampanan niya ang pagiging boyfriend sa akin.

Naglalaan talaga siya ng kahit konti sa kita niya para makapag-date kami, nakakapag-bigay din ng simpleng regalo kapag may mahalagang okasyon sa buhay namin at nagpaplano na para sa kinabukasan namin.

Sinabi niya rin nito love talk, na kung bibigyan siya ng pagkakataon, ipapakita niya sa pamilya ko na kaya niya akong buhayin, hindi man sa magarbong bahay at pa-sosyal na buhay, pero kahit paano ay magsusumikap siya para sa amin.

Nakikita ko naman iyon love talk, dahil kahit papaano ay nag-iipon rin siya ngayon sa account niya na ako ang may hawak.

Nakokunsensiya din ako kapag may mga oras na dalawa lang kami, paulit-ulit niyang sinasabing kung nagbago daw ang isip ko, kung sakaling nahihirapan ako sa piling niya at hindi ko siya kayang iharap sa pamilya niya, sabihin ko lang daw sa kaniya, kaysa naman iwan ko lang siya bigla, kasi maiintindihan naman daw niya ako.

Pero lovetalk, hindi pa talaga kaya ng sistema ko na mawala siya sa buhay ko. Siya lang kasi ang bukod tanging nagpapasaya sa buhay ko ngayon at bahagi na siya ng plano ko sa hinaharap.

Pero ngayon love talk bakit ganito, parang pinang-hihinaan na rin ako ng loob, at may mga oras na parang susundin ko na rin ang sinasabi ng buong angkan ko.

Kaya naguguluhan ako love talk, dahil hanggang sa ngayon ay madalas akong kinukulit ng pamilya ko na hiwalayan na si Aldrin dahil hindi niya ako kayang buhayin.

Nais ko rin sanang makakuha ng payo para ma-uplift naman ako.

Mahal ko po si Aldrin at mahal ko rin ang pamilya ko, kaya gulong-gulo ako kung sino ang papakinggan ko, 

Puso po ba o ang pamilya ko?


Nagmamahal,

"CHARRY"