Dear YES Love Talk,
Isang pinagpalang gabi sa inyong lahat, lalo na sa magbabasa
ng sulat ko. May mga panahon na naiisip ko na kaya ko ang mga bagay na
ipinupukol sa akin ng buhay, na kakayanin kong solusyunan lahat ng mga problema
ko. Pero ngayon ko napatunayan na hindi pala ganoon kadali ang lahat. Kaya dahil
doon, sumulat ako sa inyo para humingi ng payo tungkol sa mga pinagdaraanan ko
ngayon.
Itago n’yo na lang ako sa pangalang “DONALD”, 25 years old, at nagtatrabaho bilang staff ng isang hotel
dito sa Boracay. Maraming nagsasabing dapat daw akong gayahin dahil
napaka-masayahin ko daw na tao at napaka-sipag kong mag-trabaho. Pero hindi
lang nila alam kung anong problemang kinakaharap ko sa ngayon.
Ako ang pangalawa sa aming walong magkakapatid. Ang mga
magulang ko ay matatanda na at kung walang nagpapa-saka ay wala ding kinikita. Masuwerte
na kung may kumukuha kay Inay na mag-laba o mag-linis o mag-luto sa kanila, o
kung may magpapasok kay Itay bilang ekstra.
Minsan parang ako na rin ang panganay dahil ang kuya ko ay
parang walang direksyon ang tatahaking matinong landas sa buhay. Wala pa namang
pamilyang binubuhay pero dahil sa bisyo ay walang naiipon. Wala din namang
masyadong naitutulong sa bahay kundi pasamain ang loob ng mga magulang namin.
Nasa elementarya at sekondarya ang iba ko pang mga kapatid. Dahil
apat lang kami, kasama na ang pangatlo kong kapatid, na kumikita ng pera, medyo
nahihirapan pa kami sa lahat ng mga gastusin sa bahay at sa pag-aaral ng mga
kapatid ko.
Pero kahit na medyo mahirap, may pangarap din ako sa buhay. Sa
edad kong ito, gusto ko na sanang humiwalay sa mga magulang at kapatid ko at
bumuo ng sarili kong pamilya. Pero dahil din sa pamilya ko ay pinoproblema ko
ngayon ang aking buhay pag-ibig.
May nobya ako sa ngayon, tawagin na lang natin siyang si “ROSE”, 23 years old, at nagtatrabaho
din dito sa Boracay. Tatlong taon na kami sa aming relasyon. Mabait siya,
maintindihin, responsible din, at katulad ko, gusto na din sana niyang bumuo na
kami ng pamilya.
Alam niya ang kalagayan ng pamilya ko. Minsan kapag
napag-uusapan namin ang tungkol sa pagkakaroon ng pamilya, madalas ay
naiintindihan naman niya na malabo pa sa ngayon ang katuparan ng mga plano
namin
Pero hindi din naiiwasan na may mga panahong nag-aaway kami dahil
sa napupunta sa problema ng pamilya ko ang usapan. Kesyo daw kailangan ko nang
gumawa ng desisyon para sa sarili ko, na hindi naman daw ako matutulungan ng
pamilya ko kapag tumanda na ako. Kapag ganito na ang usapan namin,
nagkakasamaan lang talaga kami ng loob.
Hindi ko man masabi sa kanya, pero aminado ako sa sarili ko
na hindi ko pa kayang iwanan ang pamilya ko sa ganoong sitwasyon. Pero dahil
nga din doon ay nahihirapan na rin ako sa sitwasyon namin ni Rose.
Minsan, nararamdaman kong hindi na ganoon ka-init ang
pagmamahal niya sa akin. Parang may panlalamig, parang hindi na tulad ng dati
noong nag-uumpisa pa lang kami. Pero kapag niyayakap niya ako at kinakausap,
parang nakakalimutan ko agad ang mga pagdadalawang-isip ko sa relasyon namin. Kapag
ganoon na, hindi ko na kayang kumprontahin siya o kausapin siya tungkol sa
relasyon namin. Pero hindi din naman nawawala sa isipan ko na mag-dalawang isip
sa takbo ng relasyon namin ngayon.
Hindi ko alam kung anong dapat kong isipin, pero hindi ko
maiwasang matanong sa sarili ko, may mga pagkukulang ba ako sa nobya ko? Dapat ko
ba siyang pagdudahan, o ang sarili ko ba ang dapat kong suriin?
Madalas, ako ang nilalapitan ng mga kaibigan ko para
manghingi ng payo, na naibibigay ko naman sa kanila ng maayos. Pero kung ikaw na
pala talaga ang nangangailangan ng tulong, ang hirap pala… Mahirap palang
payuhan ang sarili mo. Kaya ngayon, ako naman ang humihingi ng tulong mula sa
inyo. Sana ay mapayuhan n’yo ako tungkol sa problema ko.
Hanggang dito na lang ang aking sulat at maraming salamat sa
pag-basa nito. Nawa ay mag-tagal pa ang programa ninyo.
Lubos na gumagalang,
“DONALD”