Saturday, June 29, 2013

Nagsisisi sa pagtitiwalang nawala

Dear YES Love Talk,


Isang maulang gabi sa inyong lahat na sumusubaybay sa programang ito, at siyempre, sa dalawang host ng YES Love Talk.

Napakahirap ng sitwasyon na nabubuhay ka araw-araw na may pinapasang problema sa likod mo, lalung-lalo na kung ikaw ay aminado na ikaw ang may pagkukulang, at araw-araw kang nakukunsensya sa mga ginawa mo dahil araw-araw mong nakikita ang taong tunay na nagmahal sa’yo, pero ginawan mo pa ng kasalanan.

Itago n’yo na lang ako sa pangalan “PAUL”, 28-anyos, kasal, at magdadalawa na ang anak. Nagtatrabaho ako dito sa Boracay at nandito na rin ang panganay namin at ang misis ko na si “MYRA”, na kasalukuyang buntis sa aming pangalawang anak.

Aminado akong naging marupok ako sa tukso sa isang punto ng buhay ko. Pinatulan ko ang aking katrabaho, na itago na lang natin sa pangalang “EMERALD”, at tumagal din ng walong buwan ang aming relasyon.

Kung hindi pa kami nahuli ng misis ko limang buwan na ang nakakaraan ay malamang, hanggang ngayon, ay kami pa ring dalawa ni Emerald.

Buntis na ng tatlong buwan ang asawa ko nang malaman niya ang tungkol sa amin ng aking katrabaho.

Mula nang mabuking kami ni Myra, ay naging parang impiyerno na ang bahay namin. Palagi kaming nagbabangayan. Palagi na lang niyang sinasabi sa akin na hindi na siya nagtitiwala sa akin.

Hindi na nga kami ngayon magkasama sa kuwarto, at kung nangangailangan siya ng tulong, ay mas pinipili pa niyang magpatulong sa kapatid niya na ngayon ay sa amin na din nakatira.

Hinamon na din ako ni Myra ng hiwalayan, pero sustentuhan ko lang daw ang mga anak namin.

Marami nang sinabing masasakit na salita sa akin si Myra, pero kinakaya ko ‘yon lahat, dahil mahal ko siya. Siya lang ang babaeng minahal ko ng ganito, at kaya kong tiisin ang lahat para lang sa kanya, lalung-lalo na at magdadalawa na ang anak namin.

Ilang beses na akong nag-sorry sa kanya sa lahat ng mga ginawa ko, pero paulit-ulit niyang sinasabi sa akin na hindi niya na daw ako pinagkakatiwalaan. Minsan, naiisip ko na’ng mag-suicide para takasan ang mga problema ko, pero naiisip kong kawawa naman ang mag-iina ko kapag ginawa ko ‘yon.

Malapit na ang kabuwanan ni Myra, at natatakot ako na baka pagkatapos niyang manganak ay layasan niya ako dala ang mga anak namin. Hindi ko kakayaning mabuhay nang wala ang mag-iina ko.

Love Talk, anong gagawin ko? Paano ko ba maibabalik ang pagtitiwala sa akin ni Myra? Gusto ko sanang bumalik sa dati ang pagsasamahan namin. Gusto kong maging masaya ulit ang pamilya namin.

Para kay Myra, kung nakikinig ka man, sana patawarin mo na ako. Gagawin ko lahat para lang sa’yo at para sa mga anak natin.

Maraming salamat, Love Talk, at sana matulungan ninyo ako.


Gumagalang,


“PAUL”

Saturday, June 22, 2013

Unwanted Pregnancy

Dear YES Love Talk,


Isang mapayapang gabi sa inyong lahat, lalo na sa ating mga taga-pakinig.

Itago n’yo na lang ako sa pangalang “JAMES”, 21 years old, at nagtatrabaho bilang isang security guard sa isang hotel dito sa isla ng Boracay.

Halos mag-iisang taon na ako dito sa isla at dito na rin ako nakahanap ng babaeng minahal ko at nagging bahagi ng buhay ko.

Pero hindi rin kami nagtagal at nagkahiwalay rin kaming dalawa ni “JANE” dahil sa selos.

Magtatatlong buwan na kaming hiwalay at wala kaming communication sa isa’t-isa.

Pero noong June 14, nakatanggap ako ng message sa Facebook mula sa kanya.

Buntis siya at magtatatlong buwan na ang kanyang dinadala, at ako ang ama ng ipinagbubuntis niya. Gusto niyang ipalaglag ang bata dahil takot siya sa mga magulang at kapatid niya. Baka kung ano daw gawin sa kanya kapag nalamang buntis siya.

Kaya ngayon ay humihingi ako ng tulong kung anong dapat naming gawin. Pareho kaming nahihirapan sa sitwasyon naming ito.

Love Talk, anong dapat kong gawin? Kailangan ko talaga ang advice ninyo.

Hanggang dito na lang ang sulat ko. Sana ay matulungan ninyo ako sa problema kong ito.

At sana ay magtagal pa ang inyong programa at ang inyong pagbibigay-solusyon sa mga problema sa buhay at pag-ibig.

Maraming salamat po sa pag-basa sa sulat ko.


Nagmamahal,


“JAMES”

Saturday, June 15, 2013

Ang kasalukuyan o ang nakaraan?

Dear YES Love Talk,


Sana ay nasa magandang kalagayan kayo sa pagbasa n’yo sa sulat ko.

Magandang gabi sa lahat ng nakikinig sa programang ito. Itago n’yo na lang ako sa pangalang Carla”. Isa din ako sa mga gustong humingi ng payo mula sa inyo.

22 years old ako ngayon at dito na nagtatrabaho sa Boracay. May dalawang taong baby boy na ako na nandito din sa isla. Single mom ako. Iniwan ako ng ama ng anak ko nang malaman niyang buntis ako.

Pinalaki ko ng mag-isa ang anak ko. May mga tumulong sa akin, pero hindi ko ‘yon hiningi, kusa nila akong tinulungan. Natuto kasi ako na walang ibang tutulong sa’yo kundi ang sarili mo. At ni piso o dalaw man lang ay hindi nagawa o naibigay ng ama ng baby ko.

Pero may bahagi sa sarili ko na nagsasabing parang hindi ko naman siya masisi noong iwan niya akong nag-iisa sa mga panahong kailangan ko siya. Bata pa kami pareho noon at pareho naming hindi alam ang gagawin.

Hindi na ako nakabalita mula sa kanya mula nang umalis siya… hanggang two weeks ago.

May nag-message sa akin sa Facebook na hindi ko kilala. Alyas lang ang gamit niya at naka-private pa ang pictures niya. Kinausap ko din naman siya. Nakipag-kilala siya sa akin. Kinuha niya ang number ko, na ibinigay ko naman. Naging magka-text kaming dalawa. Bagong kakilala ang turing ko sa kanya.

Nagulat na lang ako nang tinext niya ako na nagso-sorry siya at nagsasabing gusto niyang bumalik sa akin at sa anak ko. Gusto daw niyang mabuo na ang pamilya namin. Akala ko may nanloloko lang sa akin, pero noong nag-share siya sa akin ng picture sa FB, walang dudang siya nga ang ama ng anak ko.

Nasa ibang bansa na siya ngayon at pauwi na dito sa Pilipinas sa October.

Nagdadalawang-isip naman ako ngayon kung tatanggapin ko siya, dahil may boyfriend ako ngayon.

Ang boyfriend ko ngayon ang lalakeng tumanggap sa akin ng buo, kahit na alam niyang disgrasyada ako. Nasa 30s na ang boyfriend ko ngayon pero sa ibang lugar siya nagtatrabaho. Malaki-laki din naman ang kita niya at kaya niyang bumuhay ng isang pamilya. Tanggap niya rin ang anak ko at parang anak na nga din ang turing niya dito.

Love Talk, naguguluhan ako ngayon sa sitwasyon ko. Minahal ko ang ama ng anak ko at pinatawad ko na siya sa mga pagkukulang niya sa amin. Pero minahal din ako ng boyfriend ko ngayon, kahit one year pa lang kami ay tanggap na niya ako.

Anoing dapat kong gawin sa sitwasyong ito? Sana po ay matulungan ninyo ako. Hanggang dito na lang po muna. Maraming salamat sa oras at sa pag-basa ng sulat ko.


Nagmamahal,


“CARLA”

Saturday, June 8, 2013

Pagmamahal o pagpapaka-martyr?

Dear YES Love Talk,


Magandang gabi sa lahat ng mga nakikinig at sumusubaybay sa programa ninyo. Isa rin po ako sa mga nakikinig sa inyo kapag may panahon, at matagal ko na ring gustong sumulat sa inyo. Hindi ko po alam kung paano sisimulan ang kuwento ng buhay ko, pero sana ay maintindihan ninyo ito at mabigyan ninyo ako ng payo.

Itago n’yo na lang ako sa pangalang “JANNA”. 28 years old, at nagtatrabaho dito sa Boracay. Dito na ako nanirahan dahil dito ako nakakuha ng kabuhayan at naging maganda ang buhay ko dito, lalo na kung may mga events at kung maraming turista.

Hindi ko ikinakailang bading ako at maraming nakaka-alam ng katauhan ko. Hindi man ako itsurang babae, pero ang puso ko ay puso ng tunay na babae. Ang pakiramdam ko ay pakiramdam ng tunay na babae. Kulang na lang talaga sa akin ay katawan ng babae para maging ganap na babae.

Bilang isang tao, nakakaramdam din ako ng pagmamahal, at ng kasakitan sa buhay.

Dito ko nakilala si “JEFF”. 23 years old siya at isang waiter dito sa Boracay. Siya ang isa sa mga nagpatibok ng puso ko na nanggaling din sa hindi magandang relasyon. Masasabi kong bukod sa guwapo siya ay ma-karinyo siya. Nakuha niya agad ang loob ko nang hindi ko malaman kung pa’no. Basta, tumibok ang puso ko sa kanya.

Hindi nagtagal matapos naming magkakilala ay nagkaroon kami ng relasyon. Naging masaya ako sa kanya dahil naramdaman kong caring siya, inaalala niya ako palagi. Palaging may text, nangangamusta, tinatawagan ako kung OK lang ba ako, kung kumain na ba o kung anong ginagawa ko. Hindi ko kasi ito naramdaman sa dati kong naging karelasyon, at matagal na panahon na ang nakalipas nang huli kong na-experience ito, kaya gusto ko ang feeling na ito. Para akong nananaginip at umaasang sana ay maging forever na ito.

Dahil masaya ako sa kanya, gusto ko ring masaya din siya sa akin. Sabihin na nating lahat ng kelangan at gusto niya, ibinibigay ko sa kanya. Wala akong pakialam kung gagastos man ako o mag-e-effort man ako ng todo. Basta masaya siya, masaya na din ako.

Hindi naman siya nanghihingi sa akin, kusa ko itong ibinibigay. Hindi ko naman masasabing naging masyado nang malaki ang ibinibigay ko sa kanya, pero kahit papano eh may halaga din naman ito. Hindi naman ako naniningil sa kanya, basta nakikita kong kailangan niya o gusto niya, ibinibigay ko nang walang kapalit.

Hindi naman siya nagbabago sa akin sa pakiramdam ko. ‘Yun nga lang, hindi kami gano’n ka-lantad sa publiko. Ayoko din kasing pinagtitinginan kami ng tao, at gano’n din naman siya.

Pero noong summer, nalaman kong may girlfriend siya. Hindi ko sinabi sa kanya na alam ko, pero siyempre, nasaktan ako. Pero pinilit ko na lang na intindihin na may mga bagay na maibibigay ang isang tunay na babae na hindi ko kayang ibigay. Nagpatuloy pa rin ang relasyon namin.

Na-realize ko na lang na unti-unti nang kumukonti ang time niya para sa akin, pero hindi naman nawawala ang communication. Gano’n pa rin siya, caring pa rin sa akin, kumukonti na nga lang ang time. Medyo lumalaki din ang mga naibibigay kong halaga sa kanya dahil pasukan na nga din at kelangan daw ng kanyang mga kapatid. Hindi naman gano’n kalaki ang kinikita niya at alam kong mahirap lang sila. At dahil kelangan niya, ibinibigay ko din naman sa kanya ng walang  paniningil pero may kasamang panalangin na sana ay hindi siya magbago sa akin, na sana ay mahal niya talaga ako bilang ako at hindi dahil sa kaya kong magbigay sa kanya. Nasa 6 months na ngayon ang relasyon namin.

Love Talk, alam kong naging mabilisan ang relasyon namin. Natatakot akong dahil mabilis na naging kami ay mabilis din na mawawala ang kung anumang meron kami. Alam kong p’wede kaming dumating sa ganitong situwasyon, pero natatakot pa rin ako na baka iwanan niya ako kapag hindi ko na kayang magbigay sa kanya at kung hindi ko na maibibigay sa kanya ang mga kailangan niya at gusto niya.

‘Yan din siguro ang rason kung bakit nagbubulag-bulagan ako na meron siyang iba para lang hindi niya ako iwanan. Masarap ang pakiramdam na alam kong nand’yan siya. Secured ako kapag magkasama kami. Pero kung magkalayo na kami, marami na akong nararamdamang duda at pagdadalawang isip sa kung anong meron sa relasyon namin at kung anong takbo ng relasyon namin.

Minsan, naiiisip ko na parang masyado ko nang ibinababa ang sarili ko, para lang makuha ang kasiyahang gusto ko. Pero naiisip ko na ginusto ko din naman ito kaya wala akong ibang masisisi kundi ang sarili ko.

Love Talk, masasabi n’yo bang nagiging abusado na siya sa relasyon namin? O masyado lang ba talaga akong nagpapaka-martyr sa kanya? Dapat ko pa bang ipagpatuloy ang ganitong klaseng relasyon? O dapat ko na ba itong putulin, kahit na masaya ako sa kung anong meron kaming dalawa?

Hanggang dito na lang po ang kuwento ko. Maraming salamat sa pagbasa ng sulat ko Love Talk. Sana ay matulungan ninyo ako sa aking magiging desisyon.


Nagmamahal,


“JANNA”

Saturday, June 1, 2013

Pera ang problema

Dear Yes Love Talk,


Mainit na gabi sa inyong lahat. Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa. Sumulat ako para subukang humingi ng payo mula sa inyo.

Tawagin n’yo na lang ako sa pangalang “VIRGILIO”, nagtatrabaho dito sa Boracay. Dito ako pinalad na makapag-trabaho dala na din ng kursong tinapos ko.

Maraming babae na akong nakilala at naka-relasyon. Pero mukhang sa isang babae lang talaga ako tinamaan. Tawagin natin siya sa pangalang “KAREN”.

Mula sa pagiging barkada ay naging magka-relasyon kami. Mahigit isang taon na ang relasyon namin. Magka-live in na din kami. Pareho kaming nagtatrabaho sa mga resort.

“Cowgirl” ang dating ni Karen. Ok lang mapa-tagay sa tindahan o sa bar man. Ganu’n daw ang rason kung bakit nabuntis siya sa maagang panahon. Ngayon, may anak siyang babae, 6 years old, at nasa pangangalaga ng nanay niya sa Manila.

Mag-isa niyang binubuhay ang anak niya dahil hindi naman siya pinanagutan ng naka-buntis sa kanya. Kasama sa pagpapadala niya para sa anak niya ay nagpapadala din siya ng para sa nanay niya. Hindi din naman kasi sumasapat sa kanila ang sinasahod ng tatay niya bilang construction worker. Nakatira din sa kanila ang dalawa pa niyang kapatid na may pamilya na din.

Pero ok lang din ‘yun sa ‘kin. Tanggap ko siya bilang siya at tanggap ko kung anong meron at wala sa kanya.

Pero may isang bagay lang na gumugulo sa isipan ko. Minsan kasi, inamin niya sa akin na may iba pa siyang ka-relasyon, isang foreigner na nakilala niya din dito sa Boracay.

Nagalit ako nang malaman ko ito. Medyo matagal na rin naman ‘yun nu’ng sinabi niya ‘to sa’kin. Pero sabi niya, ako ang mahal niya at hindi ‘yung foreigner na ‘yon. Kaya hanggang ngayon, kami pa rin ni Karen.

Mas nauna silang nagka-relasyon kesa sa aming dalawa. Nagpapadala din sa kanya ang foreigner na ‘yon kaya nakakaya din niyang mag-bigay ng malaki-laki sa pamilya niya. Pero dati ‘yon.

Ngayon, medyo nagigipit si Karen dahil lumiit ‘yung pinapadala sa kanya ng foreigner. Tapos nagkasakit pa ‘yung tatay niya sa kidney. At maglo-low season na din dito sa isla. Minsan nagbibigay din ako sa kanya, pero hindi talaga kaya dahil ako na din ang gumagastos para sa tinutuluyan namin at sa iba naming mga gastusin dito para lang maipadala niya ng buo ang pera niya sa pamilya niya.

Ipina-alam niya ang kalagayan niya sa foreigner.  Sabi ng foreigner sa kanya, magpakasal na lang daw sila para mapa-dali ang pag-punta niya sa ibang bansa para makapag-trabaho at kumita ng mas malaki kesa sa kinikita niya dito. Mahal naman daw siya ng foreigner kaya hahanap siya ng paraan para mas mapadali ang pag-hanap niya do’n ng trabaho.

Pero hindi mahal ni Karen ‘yung foreigner. Minsan, umiiyak siyang nag-kuwento sa akin na ako lang ang mahal niya, na ayaw niyang magkalayo kaming dalawa.

Kaya lang, lumalala ang sakit ng tatay niya at kelangan na din ng pang-gastos ng anak niya sa eskwelahan. Naka-private school ang anak niya ngayon kaya medyo malaki ang bayarin.

Last week, nagdesisyon siya. Tatanggapin daw niya ang alok nu’ng foreigner pero gusto niya na maging magkaibigan pa rin kami. Nangako siya na babalik kapag naayos na niya ang problema niya sa pera.

Naguguluhan ako ngayon. Hindi na ako sigurado sa relasyon namin. Mahal ko naman siya. Nagkataon lang na pera ang problema. Aminado akong kung mga kinikita lang namin ang aasahan namin, hindi talaga kakayanin, lalo na sa kalagayan niya sa ngayon.

Ayokong mawala siya sa akin. Gano’n din ang sabi niya sa akin. Ramdam kong totoo ang sinabi niya sa’kin na ayaw niyang mawala ako sa kanya, kaya nga ayaw niyang mawala ang komunikasyon namin.

Kung ikaw ang nasa ganitong sitwasyon, anong gagawin mo? Nalilito na kasi talaga ako. Sana naman tulungan n’yo ako. Maraming salamat sa pakikinig sa kwento ko at sa mga payo ninyo.


Nagmamahal,


“VIRGILIO”