Saturday, June 8, 2013

Pagmamahal o pagpapaka-martyr?

Dear YES Love Talk,


Magandang gabi sa lahat ng mga nakikinig at sumusubaybay sa programa ninyo. Isa rin po ako sa mga nakikinig sa inyo kapag may panahon, at matagal ko na ring gustong sumulat sa inyo. Hindi ko po alam kung paano sisimulan ang kuwento ng buhay ko, pero sana ay maintindihan ninyo ito at mabigyan ninyo ako ng payo.

Itago n’yo na lang ako sa pangalang “JANNA”. 28 years old, at nagtatrabaho dito sa Boracay. Dito na ako nanirahan dahil dito ako nakakuha ng kabuhayan at naging maganda ang buhay ko dito, lalo na kung may mga events at kung maraming turista.

Hindi ko ikinakailang bading ako at maraming nakaka-alam ng katauhan ko. Hindi man ako itsurang babae, pero ang puso ko ay puso ng tunay na babae. Ang pakiramdam ko ay pakiramdam ng tunay na babae. Kulang na lang talaga sa akin ay katawan ng babae para maging ganap na babae.

Bilang isang tao, nakakaramdam din ako ng pagmamahal, at ng kasakitan sa buhay.

Dito ko nakilala si “JEFF”. 23 years old siya at isang waiter dito sa Boracay. Siya ang isa sa mga nagpatibok ng puso ko na nanggaling din sa hindi magandang relasyon. Masasabi kong bukod sa guwapo siya ay ma-karinyo siya. Nakuha niya agad ang loob ko nang hindi ko malaman kung pa’no. Basta, tumibok ang puso ko sa kanya.

Hindi nagtagal matapos naming magkakilala ay nagkaroon kami ng relasyon. Naging masaya ako sa kanya dahil naramdaman kong caring siya, inaalala niya ako palagi. Palaging may text, nangangamusta, tinatawagan ako kung OK lang ba ako, kung kumain na ba o kung anong ginagawa ko. Hindi ko kasi ito naramdaman sa dati kong naging karelasyon, at matagal na panahon na ang nakalipas nang huli kong na-experience ito, kaya gusto ko ang feeling na ito. Para akong nananaginip at umaasang sana ay maging forever na ito.

Dahil masaya ako sa kanya, gusto ko ring masaya din siya sa akin. Sabihin na nating lahat ng kelangan at gusto niya, ibinibigay ko sa kanya. Wala akong pakialam kung gagastos man ako o mag-e-effort man ako ng todo. Basta masaya siya, masaya na din ako.

Hindi naman siya nanghihingi sa akin, kusa ko itong ibinibigay. Hindi ko naman masasabing naging masyado nang malaki ang ibinibigay ko sa kanya, pero kahit papano eh may halaga din naman ito. Hindi naman ako naniningil sa kanya, basta nakikita kong kailangan niya o gusto niya, ibinibigay ko nang walang kapalit.

Hindi naman siya nagbabago sa akin sa pakiramdam ko. ‘Yun nga lang, hindi kami gano’n ka-lantad sa publiko. Ayoko din kasing pinagtitinginan kami ng tao, at gano’n din naman siya.

Pero noong summer, nalaman kong may girlfriend siya. Hindi ko sinabi sa kanya na alam ko, pero siyempre, nasaktan ako. Pero pinilit ko na lang na intindihin na may mga bagay na maibibigay ang isang tunay na babae na hindi ko kayang ibigay. Nagpatuloy pa rin ang relasyon namin.

Na-realize ko na lang na unti-unti nang kumukonti ang time niya para sa akin, pero hindi naman nawawala ang communication. Gano’n pa rin siya, caring pa rin sa akin, kumukonti na nga lang ang time. Medyo lumalaki din ang mga naibibigay kong halaga sa kanya dahil pasukan na nga din at kelangan daw ng kanyang mga kapatid. Hindi naman gano’n kalaki ang kinikita niya at alam kong mahirap lang sila. At dahil kelangan niya, ibinibigay ko din naman sa kanya ng walang  paniningil pero may kasamang panalangin na sana ay hindi siya magbago sa akin, na sana ay mahal niya talaga ako bilang ako at hindi dahil sa kaya kong magbigay sa kanya. Nasa 6 months na ngayon ang relasyon namin.

Love Talk, alam kong naging mabilisan ang relasyon namin. Natatakot akong dahil mabilis na naging kami ay mabilis din na mawawala ang kung anumang meron kami. Alam kong p’wede kaming dumating sa ganitong situwasyon, pero natatakot pa rin ako na baka iwanan niya ako kapag hindi ko na kayang magbigay sa kanya at kung hindi ko na maibibigay sa kanya ang mga kailangan niya at gusto niya.

‘Yan din siguro ang rason kung bakit nagbubulag-bulagan ako na meron siyang iba para lang hindi niya ako iwanan. Masarap ang pakiramdam na alam kong nand’yan siya. Secured ako kapag magkasama kami. Pero kung magkalayo na kami, marami na akong nararamdamang duda at pagdadalawang isip sa kung anong meron sa relasyon namin at kung anong takbo ng relasyon namin.

Minsan, naiiisip ko na parang masyado ko nang ibinababa ang sarili ko, para lang makuha ang kasiyahang gusto ko. Pero naiisip ko na ginusto ko din naman ito kaya wala akong ibang masisisi kundi ang sarili ko.

Love Talk, masasabi n’yo bang nagiging abusado na siya sa relasyon namin? O masyado lang ba talaga akong nagpapaka-martyr sa kanya? Dapat ko pa bang ipagpatuloy ang ganitong klaseng relasyon? O dapat ko na ba itong putulin, kahit na masaya ako sa kung anong meron kaming dalawa?

Hanggang dito na lang po ang kuwento ko. Maraming salamat sa pagbasa ng sulat ko Love Talk. Sana ay matulungan ninyo ako sa aking magiging desisyon.


Nagmamahal,


“JANNA”

No comments:

Post a Comment