Monday, November 25, 2013

"Kahit sa magkabilang mundo man tayo, pagmamahal ko sayo'y hindi magbabago"

Saturday, November 23, 2013

Dear YES LOVE TALK 
  
      Isa pong magandang gabi sa inyong lahat, at sa mga nakikinig ng inyong programa. Sumulat po ako para ibahagi ang aking kwento ng pag-ibig at para humingi na rin po ng advice sa inyo.

    Tawagin niyo na lamang po ako sa pangalang Jenelyn 26 years old, isang empleyado sa isang hotel dito sa Boracay at mula sa probinsya ng Capiz.

   Meron po akong naging kasintahan noon na halos matatawag ko ng asawa, mahigit dalawang taon po kaming nagsama sa iisang bubong at siya din po ay nagtratrabaho sa isang hotel dati sa Boracay bilang isang maintenance.

   Pangalanan niyo na lang din po siya sa pangalang Nestor, mahal na mahal ko po siya at lagi ko pong iniisip noon na kami na ang magkakatuluyan habang buhay kahit hindi pa kami kasal.

   Ngunit sa mga paglipas ng panahon unti-unti pong nababago ang kaniyang pakikitungo sa akin at hindi ko po alam kung bakit.

   Kahit anong sinyales po ay wala po akong nakikita sa kaniya, na meron siyang ibang babae bukod sa akin.

   Pero sa mga ipinapakita niya sa aking pagbabaliwala hinahayaan ko lang iyon dahil ayaw kong dumating sa point na maghiwalay kami sa ganoong dahilan.

    Dumating yong time na lihim ko siyang sinusundan sa kaniyang trabaho at inaalam ang bawat pupunatahan niya pero bigo parin akong malaman kung bakit ganon nalang ang pakikitungo niya sa akin.

   Nang magkaroon ako nang lakas ng loob at pagkakataon na harapin siya at tanungin kung bakit ganon siya sa akin ay hindi po niya ako iniimik.

   Isang araw nagpaalam siya sa akin na gusto niya raw munang umuwi sa kanilang probisnya sa Iloilo, nagtaka po ako kung bakit siya uuwi eh halos ayaw niya pong umuwi sa kanilang lugar dahil na rin sa gastos.

  Sabi niya sa akin may importente lang siyang aayusing mga papeles ng kanilang lupang ibibinta doon, nagtaka po ako pero pinayagan ko naman siya sa kaniyang disisyon hanggang sa maka-uwi na nga siya sa kanilang lugar.

   Lubos po akong nalungkot sa kaniyang pag-alis halos palagi po akong umiiyak dahil sa namimis ko siya at hindi ako sanay na wala siya sa aking paningin, madalang na rin po siyang magtext sa akin at parang wala ng lambing sa tuwing nagkaka-usap kami sa cell phone.

  Hanggang umabot po ng isang buwan ay hindi parin siya bumabalik sa isla pero patuloy parin akong nag-aantay na ako ay babalikan niya, gumawa ako ng paraan na makapunta sa Iloilo para makita siya, nang dumating po ako doon laking gulat ko ng makitat malaman na siya ay may sakit at naka ratay nalang sa kaniyang higaan.

   Halos mangilid ang aking mga luha ng lapitan ko siya, agad ko siyang niyakap at hinalikan dahil sa sobra ko siyang namimis at naaawa ako sa kaniyang kondisyon.

   Doon niya sinabi sa akin na meron siyang cancer,  halos bumagsak ako sa aking nalaman at humagulhol ako ng sobra, sinabi pa niya sa akin na baka hindi na siya magtagal.

  Makalipas ang ilang araw na nakasama ko siya halos di na ako umaalis sa kaniyang tabi para alagaan siya.

   Pero dumating na ang araw na kailangan ko ng bumalik sa trabaho sa Boracay dahil kailangan din ako ng aking mga pamilya, mabigat ang aking loob na iiwan ko siya sa mga oras na iyon at nangako akong babalikan ko siya.

  Tatlong linggo na ang nakakalipas simula ng makabalik ako sa Boracay, tumawag ang kaniyang kapatid sa akin na humahagolgol na sinasabing wala na daw ang kaniyang kuya.

  Natahimik nalang akong bigla at umiyak na para akong hihimatayin sa mga oras na iyon, dahil sa sobrang sakit ng malaman ko na ang taong minahal ko ng sobra ay bigla nalang nawala sa akin ng ganoon kadali at hindi ko manlang alam na may dinadala pala siyang sakit.

  Agad akong nagpunta sa Iloilo para makita siya, naabotan ko nalang na nilalamayan na siya doon, agad akong lumapit sa kaniyang ataol at doon ay humagulhol na naman ako ng sobra, dahil hindi ako makapaniwala sa aking nakita.

  Love talk, sobrang sakit ang nararamdaman ko sa mga panahong iyon, namatay siya ng wala ako sa kaniyang tabi, at hindi ko manlang siya nakasama ng matagal noong nakaratay siya sa sakit.

  Hindi ko talaga matanggap na wala na siya, mahigit isang taon na simula noong mamatay ang aking kasintahan at hanggang ngayon ay iniisip ko parin siya at patuloy parin na minamahal.

   Wala akong nagawa kundi ituon nalang ang aking pansin sa trabaho dito sa Boracay at kahit minsan ay hindi ako nagkaroon ng chance na mahulog o magkagusto sa ibang lalaki dahil kay Nestor.

   Si Nestor ang buhay ko at siya ang lalaking bukod tanging nararapat na mahalin at alagaan habang buhay, pero nawala iyon dahil maaga siyang kinuha ng Diyos sa akin.

   Love talk, I’m always asking myself how to move on, panu simulan na mag mahal muli at paano kalimutan ang taong kahit kailan ay hindi ko na makikita at makakasama pa?

   Madami ng nagsasabi sa akin na kalimutan ko na siya pero hindi ko parin magawa-gawa hanggang ngayon.

    Gusto ko lang po malaman mula sa inyo Love talk kong ano pa po ang dapat kung gawin para makalimutan ko ang taong pinakamamahal ko, wala kasi akong ibang ginagawa kundi isipin ng isipin siya at mag focus sa trabaho na siya ang ginagawa kong inspirasyon?

    Nagdisyon na rin po akong lisanin ang Boracay para mag-hanap nalang ng trabaho sa Iloilo para doon lagi akong makakadalaw sa kaniyang puntod at masabi kung gaano ako nahihirapan nang-iwan niya ako.

    Sa tingin niyo po ba Love talk tama ang mga naging disisyon ko sa buhay na pagtuunan ko parin ng pansin ang taong patay na?

    Sana po maka-kuha ako sa inyo ng mga idea na makakatulong sa aking kalungkutan at kasawian sa buhay.. hanggang dito nalang po at maraming salamat sa opurtunidad na ibinigay niyo sa akin.
   
Lubos na gumagalang
      “Jenelyn”