Saturday, January 12, 2013

Pamilya o bagong pag-ibig?



January 12, 2013

Dear YES Love Talk,


Isang masaya at mapayapang gabi sa lahat ng tagapakinig ng programa ninyong ito, at sa inyong nagbabasa ng sulat ko.

Bago ang lahat, nagpapasalamat muna ako sa pagbigay ng oras sa aking kwento sa buhay na nangangailangan ng inyong payo.

Love Talk, tawagin n’yo na lang ako sa pangalang “LORA”, 33 years old, balo, at may dalawang anak na puro lalaki.

Siyam na taon na ang aking panganay at anim na taon ang bunso.

Halos limang taon ng namayapa ang aking asawa dahil sa isang aksidente, kaya ako na lamang ang nag-iisang nagtataguyod sa aming mga anak.

Maayos naman ang aking trabaho dahil sa nakapagtapos naman ako ng pag-aaral, pero kung gaano kaganda ng aking trabaho, ganoon din kagulo ng aking isip kung buhay pag-ibig ang pinag-uusapan.

Kahit ako kasi sa sarili ko ay hindi makapaniwala na sa edad kong ito at sa responsibilidad na naka-atang sa balikat ko ay magmamahal pa ako ulit.

Love Talk, may kasintahan ako, si “GEORGE”, 42 years old at empleyado ng gobyerno. Kabilang kasi siya sa hanay ng mga “men in uniform” ng ating bansa.

May tatlong anak din si George sa long time partner niya, dalawang lalaki at isang babae.

Pero ang mga bata ay nasa babae ngayon at malalaki na rin.

Nakipaghiwalay daw siya sa kanyang dating partner dahil nang ma-assign ito sa malayong lugar ay nagloko ang babae.

Noong una ay pinagpasensiyan niya ito, pero hindi daw talaga tumino kaya tuluyan na niya itong iniwan.

Lumipas ang mga taon, nagkaroon din ulit si George ng anak sa isang bente uno anyos na babae, pero pilit silang pinaglayo ng pamilya ng babae dahil hindi sila boto kay George kaya pinag-abroad ito.

Ngayon ay may-asawa na rin ang babae at ang bata ay iniwan na nito noon pa man kay George kaya ang nanay nito ang nag-alaga at anim na taong gulang na ngayon.

Sa una niyang mga anak, sustento na lamang umano ang nag-uugnay sa kanila ngayon.

Love Talk, kahit ako ay nagtataka, kasi bakit kami pinagtagpo na may parehong sitwasyon at pinagkaitan ng kaligayahan.

Nag-umpisang maging kami ni George ng magkita at ma-develop kami  sa isa’t isang.

Nitong 2nd quarter ng 2012, lumipat na kami ng pamilya ko dito sa Boracay nang ipagkatiwala sa akin ng kapatid ko ang kaniyang kabuhayan.

Pero tuloy-tuloy naman ang kumunikasyon namin at pumupunta din siya dito isa o dalawang beses sa isang lingo para kamustahin kami.

Love Talk, masayang-masaya ako kapag kasama ko siya at kita ko rin sa kaniya na ganoon din siya sa akin.

Ngunit hindi talaga yata sapat ang love at kasiyahan na nadarama namin para maging manhid at hindi kami maapektuhan sa ipinapakitang pagtutol ng pamilya ko at pamilya niya, mga anak ko at mga anak niya.

Nakakalungkot talaga, kasi parang hindi welcome sa kanilang lahat ang pagmamahalan namin.

Takot kasi sila parehong may sapawan na mangyayari o hindi daw maging balanse ang pagtrato at atensiyon namin kaya baka sa failure lang babagsak ang relasyon namin.  

Ang labas kasi, parang nanghuhusga na rin sila sa pagkato naming pareho, kesyo daw ako lang ang makikinabang kay George sabi ng kaniyang pamilya at si George lang din daw ang makinabang sa pinagpaguran ko.

Mahigit 2 years na rin po na ganito ang sitwsyon namin Love Talk simula ng maging kami na.

Pero ramdam ko talaga na secure na rin kami sa bawat isa kung sakali, dahil kung kaming dalawa lang, wala kaming problema dahil sa lahat ng bagay ay magkasundo kami at kapwa sinusuportahan ang bawat isa.

Ako ay handa nang alagain ko at alam kong magiging mabuting ama siya sa mga bata, pero hindi lang kami nabibigyan ng pagkakataon para ipakita iyon.

Minsan ako na rin ang nakaramdam ng hiya kapag tinatanong nila ako kung ano pa daw ang rason para mag-asawa akong muli, kung iyon ba ay dahil lang sa wala lang akong katabi sa pagtulog.

Pero anumang pagpaliwanag man gagawin ko, hindi rin nila ako naiintindihan na ako ay naghahanap din ng pagmamahal, pag-alaga at atensiyon ng isang asawa.

Natatakot akong mawala ang mga anak ko sa akin kasi nagbanta na sila na uuwi sa lolo nila sa pamilya ng yumao kong asawa kapag mag-asawa ako ulit.

Kaya pilitin ko man na masunod ang nais namin, ayaw ko naman ng ganon dahil alam ko na hindi kami magiging masaya kung may mga taong tutol at ayaw sa amin.

Lahat po ng pakikisama at pagpapaintindi ay ginawa ko na pero nanatiling sarado at isip at puso nila para sa balak namin.

Ano po ang dapat kong gawin?

Naaawa na rin ako kay George sapagkat nananatiling naka-hang pa rin ang offer na kasal niya sa akin, pero hindi ko pa masagut-sagot.

Love Talk, mali po ba na muling umibig sa ganitong sitwasyon ko?

Tulungan po ninyo ako na masagot ang ilang tanong sa isip ko na hanggang ngayon ay nagpapabigat sa dibdib ko.

Muli ay nagpapasalamat ako sa inyong oras sa pagbasa ng sulat ko at sana ay may makuha din kayong aral sa kuwento ko.


Umaasa sa inyong payo,

“LORA”






No comments:

Post a Comment