Saturday, May 4, 2013

Pinag-taksilan ng kaibigan

Dear YES Love Talk,


Mainit na pag-bati po sa mga taga-subaybay ng programang ito.

Itago n’yo na lang ako sa pangalang “PINKY”. Sumulat po ako para may mapag-sabihan ng problema ko at para mang-hingi na din sa inyo ng payo.

Isang taon na kaming hiwalay ng ex boyfriend ko na tawagin na lang nating si “JOEMAR”. Ako ang nakipag-kalas sa kanya. Noong mga panahong iyon kasi, paalis ako papunta ng ibang bansa para magtrabaho. Hindi naman para lang sa akin ito kundi para na din sa amin. Ayoko din naman kasing nasa long distance relationship kami.

Naging maayos ang aming pag-hihiwalay. Ipinangako ko sa kanya na babalik ako sa kanya sa pag-uwi ko galing sa ibang bansa. Umasa talaga akong pag-balik ko dito sa Pilipinas ay magkakabalikan kami at magiging maayos na ang lahat. Pero doon pa yata lalong naging malabo ang lahat.

Hindi ako nag-tagal sa trabaho. Naging maaga ang pag-balik ko dito sa bansa dahil hindi ko kinaya ang trabaho sa labas, at ang mapalayo sa pamilya ko.

Pag-dating ko dito, nabalitaan ko na lang na si Joemar ay mayroon nang ibang nobya. At ang masakit pa, best friend ko pa ang napili niyang gawing girlfriend.

Alam ng best friend ko na mahal ko pa si Joemar at ginawa ko lang ang pakikipag-break sa kanya dahil ayokong mag-alala siya sa akin at ayokong ‘yon pa ang pag-awayan namin. Tapos parang tinake niya ang opportunity na ‘yon para sa sarili niya. Pakiramdam ko tinraydor ako ng isa sa mga taong pinagkatiwalaan ko ng lubos. Kaya pala siguro hindi nagkukuwento sa akin ang best friend ko tungkol sa love life niya, dahil ako pala ang nawalan.

Love Talk, pakiramdam ko niloko ako at umasa ako sa wala. Hindi ko pa rin matanggap ang mga nangyaring ito sa akin. Nawala nang tuluyan ang taong minamahal ko, at tinraydor at inagawan ako ng taong labis na pinagkatiwalaan ko. Ito na siguro ‘yung tinatawag nilang “namumuhi”, ‘yon na siguro ang nararamdaman ko sa best friend ko.

Alam kong hindi maganda ito. Hindi ako natatahimik dahil palagi ko silang naiisip, lalo na ang pang-aagaw at panlolokong ginawa ng best friend ko. Parang hindi ko siya mapatawad at parang hindi ko siya kayang patawarin. Love Talk, anong dapat kong gawin? Sana ay mapayuhan n’yo ako.

Maraming salamat sa pag-basa ng sulat ko at sana ay matulungan n’yo ako.


Umaasa,

“PINKY”

No comments:

Post a Comment