Saturday, May 11, 2013

Maling pagkakataon

Dear YES Love Talk,


Naniniwala akong sa pagmamahal, dapat sundin ang puso. Pero paano mo sundin ang puso mo kung marami naman ang masasaktan mo?

Magandang gabi sa lahat ng nakikinig sa programang YES Love Talk. Tulad ng mga sumusulat sa inyo, gusto ko rin sanang humingi ng payo mula sa inyo.

Itago n’yo na lang ako sa pangalang “AMY”. 25 years old, single, at dito na nakakuha ng trabaho sa Boracay mula nang umalis ako sa amin dalawang taon na ang nakakaraan. Umalis ako dahil sa kagustuhang hindi na makasakit ng mga taong minamahal ko, pero pilit pa rin akong sinusundan nito.

Si “JOY” ang maituturing kong best friend ko mula noong mga bata pa kami hanggang sa lumaki kami. Magkasama kami sa halos lahat: sa school, sa laro, sa lahat-lahat na. Para kaming magkapatid. Since nag-iisa lang siyang anak, at ako naman ang bunso at dalawa lang naman kami ng kuya ko, para na talaga kaming “sisters”.

Noong nag-college na kami ni Joy, nagkakilala sila ni “LESTER”. Niligawan siya ni Lester at hindi nagtagal ay sinagot naman siya ni Joy. Kapag nag-aaway silang dalawa, ako ang pinagsusumbungan nila pareho. Ako din ang tagapagpa-bati nilang dalawa. At kapag si Lester ang sumusuyo kay Joy, ako ang tulay.

Pagka-graduate sa college, pumunta si Joy sa Manila para sa licensure exams. Si Lester, naiwan sa college dahil medyo may pagka-bulakbol. Kami ni Lester ang madalas na nagkakasama dahil parang barkada na din kami.

Noong mga panahon ding ‘yon, nag-break kami ng boyfriend ko. Si Lester ang naging hingahan ko ng mga nararamdaman ko, lalo na ng mga heartaches ko. Hindi ko namalayan na unti-unti na akong nahuhulog sa kanya. At parang gano’n din siya sa akin.

Hindi din kami nakaiwas sa tukso. Dumating ang time na may nangyari sa amin na hindi dapat mangyari. Hindi naman ito nagbunga, pero hindi din namin ito sinabi kay Joy. Pinilit naming hindi na maulit ito, pero hindi din namin ‘yon natupad.

After a month mula ng may nangyari sa amin ni Lester, bumalik na si Joy sa lugar namin. Para hindi na ako makasakit, umalis ako sa amin, kahit na alam kong masasaktan ako. Pumunta ako sa iba’t-ibang lugar, nagpalit ako ng number, nakipag-relasyon sa iba at nakipag-kalas din, inaliw ko ang sarili ko para lang makalimutan ang lahat, hanggang napadpad ako dito sa Boracay.

Akala ko, OK na ako after 2 years, pero hindi pa pala.

2 weeks ago, hindi sinasadyang nagkita kami ni Lester dito sa isla. Nagka-kamustahan, nagkuwentuhan. Engaged na sila ni Joy, tulad din ng sinabi sa’kin ng best friend ko. Si Joy ay nasa Manila at nag-aasikaso ng business nila, si Lester naman ay nandito sa Boracay para din sa business nila. Si Joy daw ay hahabol na lang by the next week dahil may mga inaasikaso pa siya sa office nila. Marami kaming napag-kuwentuhan sabay tagay.

Pag-uwi, nalasing kami, and I ended up sa place niya. Something happened again sa aming dalawa. Kinaumagahan, nagmamadali akong umalis from his place, pero pinigilan niya ako. Sabi niya, matagal daw niya akong hinanap and ngayon daw na nakita na niya ulit ako, hindi na daw niya ako pakakawalan. He is willing to give up his engagement for me.

Umuwi akong naguguluhan. Since then, hindi na ako nagpakita kay Lester o kay Joy kahit na nagtampo pa siya sa akin. Si Lester nandito pa rin sa isla, nakikita ko siya pero iniiwasan ko siya dahil ayokong ako ang maging rason kung bakit sila maghihiwalay ni Joy. Pero deep inside, I want him.

Love Talk, anong dapat kong gawin? Mahal at minahal ko din si Lester, at hanggang ngayon ay gano’n pa rin ang nararamdaman ko sa kanya. Ramdam kong gano’n din siya sa akin. Pero paano na lang si Joy? Naguguluhan na talaga ako. Dapat ko pa rin bang sundin ang sinasabi ng puso ko, o dapat ko bang kalimutan ito? Ano nga ba ang dapat at tama kong gawin? Sana naman ay mapayuhan ninyo ako.

Maraming salamat sa inyo na nakinig at sa pagbibigay ng oras sa sulat ko. Umaasa ako sa payo ninyo.


Gumagalang,

“AMY”

No comments:

Post a Comment