Saturday, April 27, 2013

Paano aayusin ang buhay?

Dear YES Love Talk,


Mainit na gabi sa lahat ng mga nakikinig sa YES Love Talk at sa dalawang anchors nito.

Una sa lahat, hinihiling ko po na sana ay huwag kayong mahiyang mag-bigay ng kahit anong komento o suhestiyon sa aking isasangguni ngayong gabi dahil lahat po ng mga sasabihin ninyo ay buong puso kong tatanggapin.

Tawagin n’yo na lang ako sa pangalang “ROSELLA”. Ako ay 21 years old, at sa kabutihang palad ay hindi pa nabubuntis o nadidisgrasya dahil sa mga pinag-gagagawa ko sa buhay ko.

Galing ako sa isang broken family. Tatlo kaming magkakapatid, ako ang pangalawa. Ang tatay ko ay umalis sa amin noong Grade 4 ako. Sabi ng nanay ko, magtatrabaho lang daw ang tatay ko. Pero ako mismo ang nakakita na may ibang babae at bata siyang kasama, kaya mula noon ay hindi na ako naniwala sa nanay ko.

Ang nanay ko, noong umalis ang tatay ko, ay nagdala din ng lalake sa bahay namin. Hindi niya kami itinuring na mga anak, at ang nanay ko ay hindi din naman ganoon ka-maalaga. Kaya nang nakapag-tapos ako ng high school ay umalis na ako sa amin.

Pero bago pa ako umalis sa amin ay nauna na sa akin ang ate ko na umalis ng bahay. Maaga siyang nabuntis kaya maaga din siyang nakapag-asawa.

Naiwan ang kapatid kong bunso, isang lalake, sa puder ng nanay ko.

Nang umalis ako ng bahay, naki-tira ako sa tiyahin ko na nasa side ng tatay ko. Pinag-aral nila ako sa college kapalit ng pag-tulong ko sa kanila sa bahay.

Tiniis ko ang trato nila sa akin na parang yaya ng mga pinsan ko at katulong sa bahay para lang makapag-aral.

Kahit kinukulang, pinagkakasya ko na lang din ang binibigay nila sa akin.

Dahil na rin sa kakapusan ng pang-gastos at dahil na rin sa may bahagi ng sarili ko na gustong mag-rebelde, naging madalas ang pagtanggap ko ng pabor mula sa mga kabarkada ko kapalit ng pera.

Kapag may mga projects, ako ang gagawa, babayaran nila ako.

Nagiging kasama na din ako sa mga galaan, nagkakaroon ng maraming kakilala, at kasabay nito ay natututo ng bisyo na sila naman ang tumutustos. Kung baga, nakikisabay ako sa kanila.

Pati mga gawaing hindi ko dapat na ginagawa, ay nagawa ko.

Naranasan kong mang-agaw ng nobyo ng may nobyo.

Nagawa ko na din na makipag-relasyon ng sabay-sabay.

Nakipag-relasyon na rin ako sa matanda, naging kabit na din ako para lang may pang-gastos ako sa iskwela.

Nakasira na rin ako ng pamilya, at mahigit sa isang beses ko nang nagawa ito.

Ngayon, nandito ako sa Boracay para sa trabaho, pero ang tinutuluyan ko dito ay binabayaran ng ka-relasyon kong may pamilya na din na nasa ibang lugar, at hindi niya alam na hindi lang siya ang ka-relasyon ko sa ngayon.

Love Talk, parang hinahayaan ko na lang na sirain ko ang sarili ko kasi parang wala na rin namang patutunguhan ang buhay ko. Ilang beses ko nang sinubukang magpakamatay, pero nauunahan ako ng kaba at takot at ng pagiging duwag ko.

Sawa na ako ngayon sa buhay ko. Parang wala na itong silbi. Marumi ang tingin ko sa sarili ko. Alam kong maraming taong ginawan ko ng kasalanan na hindi ako mapapatawad kahit lumuhod pa ako o iyakan ko sila.

Love Talk, may pag-asa pa bang maayos ang buhay ko? Anong dapat kong gawin? Saan ako magsisimula? Sa sobrang gulo ng buhay ko, hindi ko na makita kung anong magandang mangyayari sa akin. Parang hindi din naman ako deserving na mabigyan ng blessings o ng kung anumang maganda.

Love Talk, sana ay mabigyan ninyo ako ng payo kung paano ko maaayos ang buhay ko.

Maraming salamat sa inyong oras. Sana ay may matutunan din kayo sa kuwento ko.


Gumagalang,

“ROSELLA”

No comments:

Post a Comment