Saturday, April 13, 2013

Komplikado


Dear YES Love Talk,


Magandang gabi po sa lahat ng nakikinig sa programang ito at sa istasyong ito. Isa ako sa mga nakikinig sa programa ninyo tuwing may pagkakataon ako, at ang mga payo ninyo sa mga sumusulat sa inyo, minsan, ang nagiging basehan ko sa mga desisyong ginagawa ko. Hindi lamang kasi ito applicable sa mga problemang pag-ibig kundi pati na rin sa mga pang-araw-araw na pagdedesisyon. At ngayon gabi, ako naman po ang hihingi ng tulong sa inyo.

Tawagin n’yo na lang po ako sa pangalang “MARJORIE”, 25 years old, at nagtatrabaho dito sa Boracay. Single pa naman ako, walang anak, wala na ring iniintindi kundi ang future ko na lamang, dahil maliban sa malabo ito, eh parang magulo din po ito.

High school pa lang ako na’ng nagkaroon ako ng boyfriend. Dahil sa kabataan, inasahan kong magiging parang fairy tale ang kwento ng pag-ibig namin ni “JEFFREY”. Akala ko magtatagal na kaming dalawa. Pero nang mag-3rd year college kami, nagkahiwalay kami. Parang nag-fall out of love na lang kami dahil siguro sa nag-iba na ang interes namin pareho at dahil sa iba na rin ang ginagalawan namin. Naging magkaibigan naman kami, hanggang sa nang nag-graduate na kami, ay nawalan na rin kami ng personal na komunikasyon sa isa’t-isa. Pareho kaming nagkaroon ng iba pang mga ka-relasyon pagkatapos naming mag-hiwalay na dalawa.

4 years ago, napunta ako dito sa Boracay para mag-trabaho. Pangalawang taon ko dito sa island nang maging boyfriend ko si “ROMEO”. Ngayon, 2 years na ang relasyon namin pero parang nagkaka-labuan na naman kami. Palagi kasi siyang busy sa trabaho, o kaya palaging pagod. Parang hindi ko na din siya naiintindihan kasi ako na nga ang gumagawa ng adjustments para magkaroon lang kaming dalawa ng oras para sa isa’t-isa pero mas pinipili pa niyang matulog kaysa sa makipag-usap sa akin. Hindi ko alam kung masyado lang talaga akong negative mag-isip o there’s something wrong na talaga sa relasyon namin. Kaya parang nagfa-fall out of love na ako sa kanya.

This March, nagulat ako nang may tumawag sa aking lalake habang naglalakad ako sa front beach. Hindi ko siya agad nakilala, pero it was Jeffrey. Naka-bakasyon siya dito sa Boracay and medyo magtatagal siya dito dahil na-miss na daw niya ang Pilipinas. Kabababa lang daw niya ng barko. Na-gulat ako na na-excite dahil nakita ko siya ulit. Hindi niya din daw in-expect na dito pa kami sa Boracay magkikita. Nagkakuwentuhan kami, inalala ‘yung mga high school and college days namin. Lumabas kami ng ilang beses for a friendly date. Nalaman ko na nagkaroon siya ng anak pero hindi sila kasal ng naanakan niya. Hindi kasi boto sa kanya ang mga magulang ng nobya niya. Nag-tanan daw sila pero ngayon palagi na silang nag-aaway at palaging sinasabi ng babae na sana ay hindi na lang daw siya sumama kay Jeffrey. Nagiging malabo na din daw silang dalawa. Ako naman, ikinuwento ko din sa kanya ang naging takbo ng love life ko. Nagkapalitan kami ng contact numbers at parang walang nag-iba sa pagiging magkaibigan namin. Ilang araw pa ang lumipas at bumalik na siya sa lugar namin. Hindi ko man ipinaramdam sa kanya pero feeling ko, may something na nawala sa akin sa pag-alis niya dito sa Boracay.

Ilang araw ko din na inisip na ano kaya ang buhay ko kung hindi kami nagkahiwalay ni Jeffrey. Inaamin kong parang may kung anong pakiramdam na nabuhay sa’kin. Pero hindi ko ito sinabi sa kanya.

Nakita ko din na nag-e-effort na si Romeo sa relasyon namin. Nagiging OK na ang lahat, pero parang nawawala na ang nararamdaman kong pagmamahal sa kanya. One night, nagtext sa akin si Jeffrey. Sabi niya, miss na daw niya ako. Ilang sunud-sunod na love quotes din ang pinasa niya. Sabi ko sa kanya, “Ano ‘to?”. Sabi niya sa akin, “Kung anong nababasa mo, ‘yun na ‘yon.” Sinabi niya din na sana isinama na lang daw niya ako sa pag-alis niya dito sa Boracay. Sa susunod daw, hindi na daw niya ako iiwan. Tinanong ko siya kung lasing siya, pero hindi naman daw. Ilang araw din na gano’n ang mga messages niya sa akin pero hindi ko ini-entertain. Pero sa totoo lang, parang gusto ko na ding mag-“I love you, too” sa kanya, ayoko nga lang kasing magkamali sa pagkakataong ito.

Love Talk, sobrang gulo ng utak ko ngayon. Napaka-komplikado ng sitwasyon ko sa tingin ko. And’yan ‘yung taong mahal ko at mahal niya ako pero nagkakalabuan kami, at ‘yung taong dati kong minahal na ngayon ay nagbabalik at nagsasabing mahal niya ako, pero parang huli na kasi may iba ‘nang nagmamahal sa kanya at may komplikasyon pa sa relasyon nila.

Love Talk, anong dapat kong gawin? Payuhan n’yo naman sana ako. Alam kong komplikado ang kuwento ko pero malaking bagay po na matulungan n’yo ako.

Maraming salamat sa oras ninyo at sa pagbasa ng sulat ko. More power sa inyo at sa YES FM.


Umaasa,

“MARJORIE”

No comments:

Post a Comment