Saturday, April 6, 2013

Paano ibabalik ang nasirang pag-ibig?


Dear YES Love Talk,


Magandang gabi sa lahat ng mga nakikinig sa programang ito at sa YES FM.

Pinag-isipan ko pong mabuti ang problemang ito habang nagbabakasyon para sa Semana Santa, at sa pakiramdam ko, habang ginigunita natin ang pagpapakasakit ng Panginoon noon ay nagpapakasakit din ako habang naaalala ko ang mga suliranin ko.

Itago n’yo na lang ako sa pangalang “IRMA”. Ako ay 26 years old, may dalawang anak sa dalawang lalake.

Ang una ay ang lalakeng inibig ko ng lubusan. Itago na lang natin siya sa pangalang “JAMES”. Naging matagal din ang aming relasyon, sobra anim na taon. Dahil sa mga nakaw na sandali ay nagbunga ang aming pagmamahalan. Tatlong taong gulang na ang anak naming dalawa.

Dalawang taon na ang nakakaraan nang pumunta siya sa ibang bansa para magtrabaho. Hindi siya nagkulang sa suporta at sa pagkamusta sa amin ng anak namin. Ang plano, pagbalik niya dito ay magpapakasal na kami.

Pero alam ko na nagkaroon ako ng mga pagkukulang. No’ng mga panahong ‘yon na wala siya dito ay parang palagi na lang ako naghahanap ng away. Palagi ko siyang inaaway. Kahit mga maliliit lang na mga bagay pinapalaki ko. Palagi kaming may mga ‘di pagkaka-intindihan.

Sa mga panahong ‘yon, ang naging takbuhan ko ay ang mga barkada ko. Isa sa mga barkada kong lalaki, na taawagin nating si “REX”, ang talagang naging ka-close ko. Kasama sa inuman, lakaran, sa lahat-lahat. Hanggang sa may nangyari din sa amin at nagbunga ito, ang pangalawa kong anak na mag-iisang taong gulang na sa susunod na buwan.

Nalaman ni James sa ibang tao ang tungkol kay Rex at sa amin. Abot langit ang paghingi ko ng tawad sa kanya, pero walang nangyari. Sinabi niya sa akin na masakit ang mga pangyayari. Mapapatawad daw niya ako pero hindi pa daw siguro ngayon.

Ayoko ding magtagal kay Rex dahil may mga ugali siya na hindi ko gusto. May pagka-dominante siya at palagi na lang niyang ipinapa-mukha sa akin na siya ang “boss” sa bahay.

Love Talk, hindi ko alam ang gagawin ko, pero gagawin ko ang lahat, bumalik lang sa akin si James.

Aminado ako sa mga pagkakamali ko, at willing akong ituwid ang mga ito. Pero paano kung hindi na talaga bumalik sa akin si James? Ano nga bang dapat kong gawin para bumalik siya? Mahal na mahal ko talaga siya.

Love Talk, sana ay mapayuhan n’yo ako. Makikinig ako sa lahat ng mga sasabihin n’yo sa akin.

Maraming salamat sa oras at sana ay magtagal pa ang programang ito.


Umaasa,

“IRMA”

No comments:

Post a Comment