Saturday, April 20, 2013

Paano makikisama sa mga manugang?


Dear YES Love Talk,


Pagbibigay galang po sa lahat ng nakikinig sa programang ito ngayong gabi, isang napakagandang gabi po sa lahat.

Tawagin ninyo na lamang ako sa pangalang “ROBERT”, 32 years old at taga Aklan lang din.

May asawa na po ako, pero hindi ko alam kung saan ako lulugar sa ngayon, at iyon ang bagay na nagpapabigat sa dibdib ko.

Almost 2 years na po kasi akong nawalay sa asawa ko Love Talk, kasal kami at may isang anak na 3 years old na ngayon.

Nasa mga magulang ko ngayon ang bata, dahil hindi ko rin pwedeng isama dito sa Boracay sa trabaho ko.

Ang asawa ko ay isang registered nurse sa labas ng bansa at ako ay hamak na driver lamang sa isang resort dito sa Boracay.

Financially, masasabi kong wala kaming problema at lahat ng material na bagay ay naibibigay namin sa aming anak.

Pero ang problema po Love Talk ay ang trato sa akin ng mga biyenan ko, na animo ay mabigat ang loob nila sa tuwing nakikita ako.

Kung ako lang ang tatanungin, wala akong nagawang pagkakamali sa kanila at sa asawa ko, maliban na lamang sa pagmamahalan namin ng anak nila na noon pa man ay hindi na sila boto sa akin dahil under grad lang ako sa Nursing.

3rd year na kasi ako noon nang tumigil ako sa pag-aaral para makapag-aral din ang nakakatanda kong kapatid dahil hindi kaya ng magulang ko na dalawa kami sa kolehiyo at may dalawa pa akong kapatid na nasa high school.

Ngunit noong may pagkakataon ko nang mag-aral, nawalan na ako ng gana dahil naiwan na ako ng mga kaibigan ko.

Noong college, doon ko nakilala ang asawa ko at nagsimula na nagging kami noong nasa 2nd year college kami.

Napatunayan ko naman na mahal niya ako, dahil kahit tumigil ako sa pag-aaral naging faithful siya sa akin at ako pa rin ang pinili niyang pakasalan.

Hanggang  sa nagka-anak kami at nag-abroad siya.

Love Talk, sa unang anim na buwan niya doon ay naging OK ang lahat, madalas ang tawagan at nag-uusap din kami kapag nakakapag-online kami sa internet.

Kahit hanggang ngayon ay nanatiling may komunikasyon kami, pero hindi na ganoon kaladalas, kaya minsan para may pagdududa na sa isip ko na baka pa-unti-unti ay nakakalimutan na niya ako.

Pasalamat na lang ako at nakapagtrabaho ako dito para mayroon namang paglalaanan ng oras.

Isang beses sa isang linggo ay umuuwi ako sa amin para sa anak ko, dahil may tiwala ako sa mga magulang ko na maaalagaan nila ang anak namin ng asawa ko.

Kaya lang Love Talk, may pagkakataon na nakakarinig ako ng mga kwentong hindi tanggap ng tenga ko gaya na lang ng palamunin lang dae ang pamilya ko ng anak nila, kesa sa ang sahod ko ay maliit na halaga lang daw kumpara sa kinikita ng anak nila.

Pero ang totoo, hindi naman kami umaaasa sa padala ng asawa ko kasi ang mga kapatid ko may trabaho at siyang bumubuhay sa mga magulang ko.

Dati, noong wala na dito ang asawa ko, sinubukan ko din na tumira sa kanila ng halos tatlong buwan, pero ramdam ko na mukhang hindi ako welcome sa kanila kaya naiisip ko na lang na magtrabaho dito.

Sa ngayon ay gusto pa nilang kunin ang bata sa amin at kung p’wede daw ay doon na diretsong ibigay ang padala ng misis ko sa kanila kahit na mayroon naman silang parte sa sahod ng asawa ko na dumidiretso sa account nila.

Kaya nga din nagtrabaho ako para kahit sa sarili ko ay mayroon din akong maibibili at hindi na i-a-asa lahat sa asawa ko.

OK naman sana sa akin na ganoon, pero ang ayoko ay nandu’n ang anak ko sa kanila dahil takot ako na maturuan nila ang bata ng kamuhian ako kahit wala akong ginagawa.

Inaaamin ko din naman na hindi kakayanin ng sahod ko lang na ibigay ang lahat ng bagay sa anak ko habang lumalaki siya, kaya kahit paano ay kailagan ko pa rin ng tulong ng asawa ko, kahit maliit na halaga lang.

Pero dahil sa parang pera ang ugat ng lahat, sinabi ko na sa asawa ko na sa kanila na lang ibigay ang pera at kung anong meron ako at ang pamilya ko, ‘yon na lang ang pagkakasyahin namin.

Pero hindi pumayag ang asawa ko dahil sa kami na nga daw ang pamilya niya, lalo pa at may anak na kami, na talagang ipinagpapasalamat ko dahil pinagkakatiwalaan niya ako at ang pamilya ko.

Love Talk, paano ko po sila pakikibagayan, kasi parang hanggang ngayon ay ayaw pa rin nila sa akin?

Ibibigay ko ba ang anak ko sa kanila?

Kailangan ko din bang lumabas ng bansa para tapatan ang kita ng asawa ko?

Humihingi din po ako ng payo, kung paano ko ima-maintain ang relasyon naman ng asawa ko kahit malayo kami sa isa’t isa.

Maraming salamat sa paglalaan ng oras sa sulat ko at sana ay magtagal pa ang programang ito.


Umaaasa ng inyong advise,

“ROBERT”

No comments:

Post a Comment