Saturday, August 17, 2013

Pakiki-alaman ba ang two timer na kaibigan?

Dear YES Love Talk,


Mainit na pagbati po ang bati ko sa inyong lahat. Naguguluhan po ako sa aking sitwasyon kaya’t naisipan kong sumulat dito sa inyo.

Itago n’yo na lang po ako sa pangalang “RICKY”, isang empleyado dito sa Boracay. 23 years old po at single.

May nagugustuhan akong babae, si “CRYSTAL”. Medyo matagal-tagal ko na rin siyang kakilala dahil magkatrabaho din kami dati, kaya lang lumipat siya ng trabaho. Magkaibigan din naman kami at nagkakakuwentuhan din paminsan-minsan kapag may panahon. Matagal ko na din siyang gusto kaya lang torpe ako.

At ngayon, lalong hindi ko na siya p’wedeng ligawan dahil girlfriend na siya ng ka-trabaho kong si “JONARD”. Bago lang si Jonard sa pinagtatrabahuhan namin pero mukhang matagal na rin naman silang magkakilala ni Crystal.

Wala pang isang taong si Jonard sa trabaho pero alam ko na ang ugali niya. Hindi siya tapat kay Crystal. Alam kong may itinutukso sa kanyang kasamahan ko din sa trabaho at alam kong sinasakyan niya lang ito, pero hindi ko alam na magiging sila din pala. Nalaman ko na lang ito nang magkainuman kami dahil ipinagyabang pa niya ito sa amin.

Doon ko din nalaman na matagal-tagal na rin pala silang magkarelasyon, nasa tatlong buwan na. Pero nakikita ko pa rin silang magkasama ni Crystal, at masaya naman sila kapag magkasama sila. Pero ako ang nakukunsensya at naaawa kay Crystal. Hindi naman siya karapat-dapat sa ganoong trato dahil alam kong hindi naman siya two timer.

Minsan tinanong ko na siya kung bakit si Jonard pa ang napili niya, pero sinabi niya na dahil mahal niya lang talaga si Jonard, at hindi na ako nagtanong pa.

Love Talk, alam ko na masasaktan si Crystal sa mga ginagawa ni Jonard, pero iniisip kong para naman ito sa kapakanan niya. Dapat ko ba talagang sabihin kay Crystal na niloloko lang siya ni Jonard, o hahayaan ko na lang sila? Anong dapat kong gawin?

Maraming salamat po sa inyong oras. Sana ay matulungan ninyo ako.


Umaasa,

“RICKY”



No comments:

Post a Comment