Saturday, July 27, 2013

Papatulan ba ang ex ng boyfriend?

Dear YES Love Talk,


Isang maganda at pinagpalang gabi po sa lahat ng mga nakiking at bumubuo ng programang YES Love Talk. Itago n’yo na lang po ako sa pangalang “ANGEL”. Sumulat po ako upang humingi ng payo mula sa inyo.

Ako po ay may boyfriend sa ngayon, na tawagin na lang natin sa pangalang “STEPHEN”. Magtatatlong taon na ang aming relasyon.

Masaya naman ako sa relasyon namin ni Stephen. Masaya kami kapag magkasama kami. Pareho kaming naghahanap ng time para sa isa’t-isa. Hindi din kami nawawalan ng komunikasyon. Parang lahat na lang ay perfect sa aming relasyon.

Pero last month, nalaman kong magka-text sila ng kanyang ex-girlfriend. Kinumpronta ko si Stephen, pero sabi niya, wala naman daw ‘yon sa kanya. Nagkataon na nagkita daw sila dito sa isla at nagkamustahan. At dahil nagpapatulong ang kanyang ex na maghanap ng trabaho, nagkapalitan sila ng cellphone number.

Mukhang sincere naman si Stephen sa mga sinasabi niya sa akin kaya pinalipas ko na lang ‘yon. Pero pina-alalahanan ko pa rin siya na huwag lang siyang magkakamali.

Isang beses, magkasama kami ni Stephen na naglalakad sa front beach nang may babaeng tumawag sa kanya. Ipinakilala siya sa akin ni Stephen bilang ‘yung ex niya na nagti-text sa kanya. Nagtatrabaho na siya ngayon sa isang business sa front beach. Nagkamustahan sila at umalis na kami.

Naging madalas din ang kanilang pagkikita dahil nagpapatulong ang ex niya sa kanya na humanap ng malilipatang boarding house at sa pagpa-process ng mga papeles. Parang sa lahat na lang yata ng bagay eh nagpapatulong siya sa boyfriend ko.

Last week inimbitahan kami ng babae na pumunta sa kanyang birthday. Konting kain lang daw. Pumunta naman kami. Nang pauwi na kami ay ayaw pa niya kaming pauwiin dahil kelangan tumagay muna kahit konti daw. Medyo lasing na yung girl at namilit na tumagay kami o kahit si Stephen lang daw. Bilang pakikisama, tumagay din naman si Stephen. Feeling ko parang gumagawa ng move yung girl para landiin ang boyfriend ko. At ang boyfriend ko naman eh parang wala sa sarili at nakalimutan na yatang kasama niya ako. Hinayaan niya lang na landiin siya ng ex niya. Hindi niya pinatulan pero hindi niya rin naman pinigilan. Sa sobrang inis ko, pinilit ko si Stephen na umuwi na. pag-uwi, kinumpronta ko ulit siya, pero sabi niya, nakikisama lang naman daw siya.

Galit na galit ako sa ginawa niya. Gusto ko siyang hiwalayan dahil hinayaan niya lang ang ex niya na landiin siya, pero natatakot naman ako na mawala siya sa akin. Natatakot akong makuha siya ng ex niya.

Love Talk, tama ba na mag-selos ako sa pagwawalang bahala niya sa pang-aakit sa kanya ng ex niya? Hindi naman niya ito pinapatulan pero hindi niya rin pinipigilan. Ano bang dapat kong gawin para hindi mawala si Stephen sa akin?

Love Talk sana matulungan ninyo ako. Sana mabigyan n’yo ako ng payo.

Maraming salamat sa oras at umaasa po talaga ako sa mga advice ninyo.


Lubos na gumagalang,

“ANGEL”

No comments:

Post a Comment