Saturday, July 20, 2013

Paano lalayuan ang dating kasintahan?

Dear YES Love Talk,


Magandang gabi sa lahat ng mga sumusubaybay sa programang ito. Marami na kayong natulungan sa pamamagilan ng pagbibigay ng payo, kaya sunulat ako para humingi din ng payo sa inyo.

Itago n’yo na lang ako sa pangalang “EDWARD”, 26 years old. Tatlong taon na akong nagtatrabaho dito sa Boracay.

Naguguluhan ako ngayon sa takbo ng aking buhay pag-ibig.

Proud naman po akong sabihin na hindi naman ako ‘yung tipo ng lalake na pinagsasabay-sabay ang mga ka-relasyon.

May naging girlfriend ako na tawagin natin sa pangalang “JILL”, 21 years old siya ngayon at nagtatrabaho din dito sa Boracay. Kaka-hiwalay lang namin last week, pero naguguluhan pa rin ako sa sitwasyon namin.

Mag-iisang taon na sana ang aming relasyon. Dapat ay mag-iisa’t-kalahating taon na nga, kaya lang, noon ay nag-hiwalay din kami dahil sa mga bagay na hindi namin napagkaka-intindihan. Iba ang prayoridad niya, mas inuna niya ang mga kaibigan niya, at iba din ang gusto kong mangyari sa relasyon namin. Pero naayos din namin ‘yon kaya nagkabalikan kami.

Nagkabalikan kami dahil nangako siyang babawasan na niya ang oras niya sa mga kaibigan niya para magkaroon naman siya ng oras para sa akin. Nangako siya sa akin na gano’n ang gagawin. Hindi din daw niya kayang wala ako, kaya pumayag akong magbalikan kami.

Pero sa mga panahong wala kaming relasyon ni Jill, ay may nakilala akong babae na nagpatibok din sa puso ko. Hindi siya katulad ni Jill, talagang kabaliktaran niya ito.

Niligawan ko siya, pero hindi din ito nagtagal dahil nakukonsensya ako. Parang “rebound” lang kasi ‘yung panliligaw ko sa kanya. Hindi pa talaga ako nakakapag-move on mula kay Jill noong mga panahong ‘yon. Inamin ko ito sa babaeng niligawan ko kaya hindi na din ‘yon natuloy.

Pagkalipas ng ilang panahon, nagkabalikan din naman kami ni Jill. Alam niya ang tungkol sa babaeng niligawan ko. Sabi niya, ayos lang naman dahil hindi naman natuloy ‘yon.

Nasa pang-walong buwan na ang relasyon namin ni Jill pagkatapos naming magkabalikan. Dito ko nalamang nagkaka-lokohan lang pala kaming dalawa.

Noong isang linggo naiwan ni Jill ang cellphone niya sa akin. Alam ko namang babalikan niya ‘yon kaya tinago ko muna. Hindi ko sinasadyang mabasa ang message ng nag-text sa kanya. Sweet ang message ng nag-text sa kanya, kinakamusta siya at nagpapa-alala.

Nang kunin sa akin ni Jill ang cellphone niya, sinabi ko sa kanya na nabasa ko nga ‘yung message ng nag-text. Kinumpronta ko siya, at umamin siya na may iba nga siyang ka-relasyon, at nasa tatlong buwan na daw silang dalawa.

Galit na galit ako sa kanya. Umalis na lang ako dahil baka kung ano pang masabi ko sa kanya. Sinundan niya ako at nanghihingi siya ng sorry at isa pang chance. Pero sabi ko sa kanya, ayoko na. Masyado nang masakit ang mga ginawa niya sa akin.

Isang linggo na niya akong ginugulo sa text, palaging tumatawag, pero hindi ko na pinapansin. Pero minsan sinasagot ko rin ang tawag niya. Isang beses, sinabi niya sa akin na hindi daw siya susuko at ipaglalaban daw niya ang pagmamahal niya sa akin. Sabi ko sa kanya, aasa lang siya sa wala, kaya mas maganda pang makuntento na siya sa bagong karelasyon niya. Pero tuloy pa rin siya sa pagpunta sa akin, nagdadala ng pagkain, tumatawag at nagti-text.

Love Talk, masyado akong nasaktan sa mga ginawa niya sa akin. Hindi na yata maibabalik ng kahit ano pa ang nasirang pagtitiwala ko sa kanya.

Ano bang dapat kong gawin para lumayo na siya sa akin? Kulang na lang ay itaboy ko siya at pagsalitaan ng masakit, at ayokong umabot pa ka kami sa gano’n.

Sana po ay mabigyan n’yo ako ng payo tungkol dito.

Maraming salamat sa oras at pagpapayo. Sana ay tumagal pa ang programa ninyo.


Lubos na gumagalang,


“EDWARD”

No comments:

Post a Comment