Saturday, February 23, 2013

"Nanlalamig"


Dear YES Love Talk,


Isang magandang gabi sa lahat ng mga sumusubaybay ng programang YES Love Talk. Naniniwala akong marami na kayong natulunagn at nabigyan ng payo tungkol sa kanilang mga ipinapadalang kuwento sa inyo na nababasa ninyo tuwing Sabado. Kaya’t sa pagpapadala ko ng sulat kong ito aY inaasahan kong matutlungan n’yo ako sa aking problemang puso.

Tawagin n’yo na lang ako sa pangalang “STEPHANIE”. Tulad ng iba, nandito ako sa Boracay para magtrabaho. 25 years old na ako at single pa rin hanggang ngayon, kung single nga naman talaga akong maituturing dahil sa sitwasyon ko.

Ang totoo, may boyfriend ako ngayon. Mag-iisang taon na kami ni “DAVE” na dito ko din nakilala sa Boracay. Bago naging kami ay medyo matagal din siyang nanligaw sa akin. Umabot yata ng mahigit anim na buwan bago ko siya sinagot. Matiyaga siya kaya nakuha niya ang “matamis kong ‘OO’”.

Si Dave ang klase ng lalake na parang wala kang maipipintas sa kanya. Malinis sa katawan, mabait, napaka-understanding at responsable. Maraming nagsasabing suwerte na daw ako sa kanya.

Masaya ako kay Dave at nararamdaman kong masaya din naman siya sa akin, lalo na noong nag-uumpisa lang kami. Pero no’ng tumatagal na ang takbo ng relasyon namin, napapansin kong hindi na kami gano’n kasaya tulad ng dati, lalo na ako.

Parang hinaayaan ko na lang siya na gawin ang gusto niyang gawin. Parang “civil” na lang ako sa kanya, ‘yung tipong OK lang na wala siya, OK lang din na nand’yan siya. Hindi ko na siya masyadong hinahanap.

Kung sa ibang babae, kapag alam nilang may palaging kasamang ibang babae ang mga partner nila, magse-selos agad sila. Pero ako, alam kong palagi niyang kasama ang ka-trabaho niyang babae dahil naka-assign sila sa parehong project, pero parang hindi ako nagseselos. Parang masaya pa nga ako para sa kanya, at open ako sa ideya na magkatuluyan sila.

Wala naman akong ibang lalakeng napagbabalingan ng damdamin ko sa ngayon.

Love Talk, naguguluhan ako sa sarili ko. Nagtataka ako kung bakit nagiging “matabang” na ako kay Dave. Hindi kaya dahil sa palagi kaming magkasama o kaya ay dahil sa nagtagal na ang aming relasyon?

Hindi ba parang niloloko ko lang siya? Kasi parang requirement na lang sa akin na sagutin siya ng “I love you, too.” kapag nagsasabi siya sa akin ng “I love you.”

Alam kong faithful siya sa akin. Alam kong ako ang problema at hindi siya. Ayokong lokohin siya. Ano nga ba talaga ang dapat kong gawin?

Love Talk, sana ay mapayuhan ninyo ako. Kung ano man ang sasabihin ninyo ay tatanggapin ko at pag-iisipan ko.

Hanggang dito na lang ang sulat ko. Maraming salamat sa pagbibigay ng oras sa aking problema at sana ay tumagal pa ang inyong programa.


Umaasa,

“STEPHANIE”

No comments:

Post a Comment