Saturday, February 9, 2013

Iniwan na walang kaalam-alam


Dear YES Love Talk,


Isa ako sa mga tagapakinig ng mga programa ng YES FM Boracay, lalo na ng YES Love Talk, at bawat pakikinig ko ay umiiyak ako dahil sariwa pa ang sugat na likha ng nangyari sa akin.

Love Talk, tawagin n’yo na lang akong si “MS. JEAN 14”. May ka-partner ako na kung baga dati ay barkada ko. May nabuong relasyon sa pagitan namin hanggang sa nabuntis ako. Akala ko Love Talk, siya na talaga ang ibinigay sa akin ng Panginoon para makasama ko sa habang panahon.

Dalawang buwan akong buntis nang umalis siya bilang OFW sa Quatar. Mula nang umalis siya ay hindi siya nagkulang ng padala sa akin at sa magiging baby namin dahil gusto na talaga niyang magka-anak kami.

Naging masaya siya nang malaman niyang baby boy ang magiging baby namin. Hanggang sa nanganak ako noong December, and’yan pa rin ‘yung sustento niya sa amin at palagi din siyang tumatawag.

Hanggang sa dumating ang buwan ng July. Iyon na ang buwan na huli siyang nagpadala sa amin. Ang sabi niya kasi uuwi siya. Inintindi ko siya Love Talk, dahil gusto ko rin naman na makita niya ang baby namin.

Pero nagulat na lang ako, Love Talk, nang umuwi siya noong August na hindi man lang tumatawag o nagpasabi. Nasa Maynila na pala siya.

Dumating ang buwan ng September. Nagulat na lang ako nang malaman kong nagpakasal na pala siya sa ibang babae. Hindi ko man lang nalaman na may kasalang nangyari kung hindi ko pa nakita sa Facebook ang picture nila ng babae na naka-wedding gown at siya na nakabihis din ng pang-groom.

Love Talk, feeling ko that time, parang gusto kong magpakamatay. Awang-awa ako sa sarili ko lalung-lalo na sa 8-month old na baby ko lalo na at kailangan ko siyang buhayin na ulila na din naman ako sa magulang.

Love Talk, ano bang dapat kong gawin para mabuhay ang baby ko? Gusto kong magtrabaho pero wala naman akong mapag-iiwanan ng baby ko. Sa ngayon ay nandito ako sa Boracay sa isang kaibigan ko.

Love Talk, kelangan ko ng advice n’yo. Ano bang dapat kong gawin? Gulung-gulo na ang isip ko.

Sana ay matugtog n’yo na rin po ang kantang “Ikaw Sana” ni Ogie Alcasid.

Hanggang dito na lang ang sulat ko at maraming salamat Love Talk.


Umaasa,

“MS. JEAN 14”

No comments:

Post a Comment