Saturday, February 2, 2013

Nobya o pamilya?


Dear YES Love Talk,


Magandang gabi sa lahat ng mga nakikinig, lalo na sa sulat kong ito.

Tawagin n’yo na lang akong si “LEON”. Dito na ako namamalagi sa isla ng Boracay at apat na taon na akong nagtatrabaho ito.

May pinapaaral pa akong kapatid at ako lang ang inaasahan ng mga magulang ko. Mula nang magkaroon ng problema ang pamilya namin ay nagkaroon na kami ng kakulangan sa pera. Sobra kaming naghirap mula noon kaya ako napadpad dito sa Boracay. Dahil na din sa awa ko sa mga magulang at kapatid ko kaya tiniis kong hindi umuwi sa amin sa loob ng apat na taon.

Sa apat na taong inilagi ko dito sa isla ay may nakilala akong babaeng itago na lang natin sa pangalang “JANICE”. Nandito din siya sa isla para mag-trabaho bilang isang massage therapist. May guest kasi siya sa resort namin kaya kami nagkakilala. Kinuha ko ang number niya at mula noon ay naging textmates na kami kung saan lalo naming nakilala ang isa’t-isa.

Hindi nagtagal ay naging magkasintahan kami ni Janice. Naging honest ako sa kanya at alam niya ang buong pagkatao ko at ang kwento ng buhay ko at alam kong mahal din naman niya ako. Palagi niya akong niyayayang tumira na lang kami sa iisang bahay, kaya lang sapat lang ang kita ko sa pangpaaral sa kapatid ko kaya hindi ako pumayag sa gusto ni Janice. Ipinaliwanag ko naman sa kanya na hindi pa kami pwedeng magsama sa ngayon at darating din kami doon sa tamang panahon. Naging OK naman ‘yon sa kanya noong una.

Isang araw na pumunta siya sa boarding house ko, OK naman ‘yung pinag-uusapan namin pero napansin kong panay ang pagti-text niya at talagang hawak niya ang cellphone niya. Maya-maya, may tumawag sa kanya. Kinukuha ko sa kanya ang cellphone niya pero ayaw niyang ibigay na parang may itinatago siya sa akin. Sa pamimilit ko ay nakuha ko ang cellphone niya. Itinext ko ‘yung number na tumatawag sa kanya na tumawag ulit. Boses ng lalake ang narinig ko nang sinagot ko yung tawag at hinahanap niya si Janice. Sinabi ko sa kanya na nasa boarding house ko si Janice at ako ang boyfriend niya at huwag na siyang tumawag o magtext sa nobya ko.

Sa sobrang galit at selos ko ay naitulak ko si Janice at nasampal ng hindi naman kalakasan.naisip ko din kasing niloloko niya lang ako. Umiyak ng umiyak si Janice. Pagkatapos ay niyakap ko siya ng mahigpit at kinausap ko siya kung itutuloy pa rin ba namin an gaming relasyon. Sabi niya, oo daw, mahal daw niya ako. Tinanong ko siya kung sino yung lalakeng ‘yon. Sabi niya nanliligaw din daw sa kanya ‘yon.

Sobrang sakit para sa’kin na na marinig ‘yon kasi alam niyang may boyfriend na siya pero nagre-reply pa rin siya sa lalaking ‘yon at sinasagot ang mga tawag niya. Pero pinatawad ko pa rin siya at tinanggap ko pa rin siya dahil mahal ko siya.

Ngayon ay sinasabi na naman niya sa akin na magsama na lang kami sa iisang bubong para hindi na daw mangyari ulit ‘yon at para hindi na daw ako magduda sa kanya.

Love Talk, hindi ko alam kung anong dapat kong gawin. Naguguluhan ako kasi ‘pag nagsama kami ni Janice, kailangan din naman ako ng pamilya ko. Mahal ko ang mga kapatid ko at kailangan ko munang mapatapos ang pinag-aaral namin sa kolehiyo. Pero mahal ko din si Janice. Sino ba talagang dapat na unahin ko, ang pamilya ko o ang babaeng minamahal ko?

Love Talk, sana mabigyan n’yo ako ng payo dahil gulung-gulo na ang isip ko ngayon, minsan natutulala na ako sa kakaisip kung anong dapat kong gawin.


Lubos na gumagalang,

LEON

No comments:

Post a Comment