Wednesday, October 17, 2012

October 13, 2012

Dear Yes Love Talk,

Matagal ko nang sinusubaybayan ang inyong programa bagkos nag-aalinlangan pa po akong ihayag ang aking saloobin patungkol sa aking kwentong pag-ibig.

Bago ko po simulan ang aking kwento, tawagin nyo na lang ako sa pangalang “MARK”, 23 anyos na taga Romblon. Pumunta po ako dito sa Boracay na sa nais na makahanap ng magandang trabaho. Sumang-ayon naman sa akin ang kapalaran at ako’y mabilis na nakahanap ng trabaho dito sa Boracay.

Dito ko rin nakilala ang unang babaeng siyang nagpatibok ng aking puso. Itago na lang natin siya sa pangalang “ABBY.”  Sa una nahirapan akong pakisamahan siya at palagi kaming nag-aaway. Halos di kami magkasundo sa mga bagay-bagay dito sa aming trabaho.

Sa likod naman ng hindi namin pagkakasundo at madalas na pag-aaway mas lalong nakilala ko siya nang husto. At nararamdaman kong napapalapit ang loob ko sa kanya bagamat pilit ko itong itinatanggi tuwing kami ay tinutukso ng aming mga kasamahan sa trabaho.

Nangangamba ako sa posibleng maisagot niya sa akin kung sakaling aminin ko ang tunay na pagtingin ko sa kanya na hindi lang bilang isang katrabaho. Hanggang dumating sa puntong nagkaroon ako ng lakas ng loob na maipagtapat sa kanya na siya’y napamahal na sakin.  Simula noon ay umiba na ang pangkaraniwang pakikitungo niya sa akin. Inakala ko na baka mas lalong magalit siya sa akin dahil sa mga sinasabi kong yoon.

Nalaman ko na lang sa kasamahan na kanyang kaibigan na lihim rin pala niya akong minahal. Di na ako nagpaligoy-ligoy pa at siya ay aking kinausap tungkol sa nararamdaman namin sa isa’t-isa. Sa madaling salita, siya ay niligawan ko.

Di nagtagal nagkaroon kami ng pormal na relasyon. Hanggang nauwi ang lahat sa pakikipag live-in. Nagkaroon kami ng magandang pagsasama at sa ilang buwan naming pagsasama ay nabuntis ko siya.
Makalipas ang apat na buwan nagkayayaan kami ng mga kaibigan ko na magdisco sa isang bar dito sa Boracay at doon may nakilala akong babaeng tawagin na lang natin sa pangalang “RHEA.” Nagkainuman kami hanggang sa malasing kami. Niyaya ako ni Rhea na doon na lang matulog sa boarding house niya.  Sumama naman ako sa kanya at dahil sa kalasingan ay may nangyari sa aming dalawa.

Kahit magkasama kami ni Abby ay nagagawa ko pa ring makipagkita kay Rhea. Dalawang buwan na and pagsasama namin ni Rhea kahit patago ko lang siyang pinupuntahan. Hanggang dumating sa punto na siya’y nabuntis ko.

Natakot akong malaman ni Abby na may ibang babae ako kaya nagpasya akong magpakalayo-layo muna sa kanya. Ang sinabi ko ay uuwi muna ako sa Romblon para magpahinga sa aking trabaho at makapag-isip sa aking gagawin –kung paano ko maipapaliwanag sa kanya ang lahat ng pakakamali ko.

Noong andon na ako sa probinsiya namin sa Romblon, dalawang lingo pa lang ay nagkaroon pa ulit ako ng isa pang kasalanan, Love Talk. Nagkita kami ng aking kababata na babae na tawagin na lang natin sa pangalang “HANNAH.”

Si Hannah pala ay matagal nang may gusto sa akin at matagal niya na pala akong hinihintay na bumalik sa Romblon. Sinabi ko sa kanya ang lahat na may mahal na akong iba at buntis na siya pero binalewala niya ang lahat. Love Talk, may nangyari sa amin ni Hannah. Dalawang buwan din kami ni Hannah nag live-in sa Romblon at siya’y nabuntis din. Gusto naman ako ng pamilya ni Hannah ngunit ang mahal ko ay si Abby.

Love Talk, hindi ko na alam kung paano ko sasabihin kay Abby ang lahat. Natatakot kasi ako na baka iiwan niya ako. Sana matulungan nyo po ako sa aking problema at mabigyan niyo ako ng magandang payo kung paano ko ipagtatapat kay Abby ang lahat.

Maraming salamat po. God bless.

Lubos na gumagalang,

MARK

No comments:

Post a Comment